Multi-Sectoral Presscon Isinagawa laban sa Fake Resort Bookings sa Batangas

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg 09.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg

TINGNI: Nagsagawa ng isang multi-sectoral press conference ang Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) noong Mayo 4 sa The Hashtag Coffee upang tugunan ang lumalalang kaso ng mga pekeng bookings sa mga resort sa Batangas.

Ayon sa PTCAO, karaniwang gumagamit ang mga scammer ng mga alok na “too good to be true” upang makahikayat ng mga biktima. Kabilang dito ang pagbibigay ng malalaking diskwento, promos, at iba’t ibang freebies sa pamamagitan ng mga pekeng Facebook pages na kumukuha ng larawan mula sa lehitimong social media accounts ng mga resort.

Dagdag pa rito, kadalasang “Meta-Verified” o may asul na check mark (blue tick) ang mga pekeng account, dahilan upang madaling mapaniwala ang publiko. Nagpapakita rin ang mga ito ng umano’y business permits, resibo ng banking transactions, at maging mga ID ng staff upang magmukhang lehitimo ang kanilang operasyon.

Bilang tugon, nagbigay ng mga teknikal na solusyon ang Philippine National Police Anti-Cybercrime Group at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) upang matukoy ang mga pekeng account at maiwasan ang ganitong uri ng panlilinlang.

Pinayuhan ng PNP Anti-Cybercrime Group ang publiko na makipagtransaksyon lamang sa pamamagitan ng opisyal na website at lehitimong landline numbers ng mga resort, at iwasan ang pagbu-book sa pamamagitan ng social media platforms tulad ng Facebook. Maaari ring i-report sa DICT ang mga kahina-hinalang account upang agarang maaksyunan.

Hinikayat din ang mga resort owners na maging mapagmatyag sa ganitong modus at makiisa sa mass reporting sa Meta upang agad na maipabura ang mga pekeng account.

Dumalo sa nasabing press conference ang mga resort owners, mga kawani ng PTCAO at Batangas Provincial Public Information Office (BPIO), gayundin ang mga kinatawan mula sa lokal at national media. Nakiisa rin sa gawaing ito si Batangas City Tourism Officer Erick Sanohan. (PIO Batangas City)