CHO Dental Division, Patuloy sa Pagkakaloob ng Libreng Bunot ng Ngipin sa mga Residente

01.jpg 02.jpg

TINGNI: Patuloy ang pagkakaloob ng libreng bunot ng ngipin ng mga kawani ng Dental Division ng City Health Office (CHO) sa mga residente ng lungsod mula sa iba’t ibang barangay, Enero 30.

Kabilang sa mga nakinabang sa programa si Mang Roy Sapalaran, 58 taong gulang, mula sa Barangay Libjo Callejon. Ayon sa kanya, malaking tulong ang naturang programa ng pamahalaang lungsod lalo na’t may kamahalan ang magpabunot ng ngipin sa mga pribadong dentista.

Nabatid naman ni Mang Enrico Fajarito ng Barangay Bolbok ang libreng tooth extraction sa pamamagitan ng Facebook page na Palakat Batangas City, kaya’t agad niyang sinamahan ang kanyang 10 taong gulang na anak na si Precious upang magpabunot ng ngipin.

Lubos din ang tiwala ni Aling Danila Castillo ng Barangay Santa Rita Ilaya sa mga kawani ng Dental Division kaya’t makailang ulit na siyang nagtutungo rito upang magpabunot ng ngipin.

Bago isagawa ang tooth extraction, ang mga pasyente ay dumaraan muna sa konsultasyon at assessment. Matapos mabunutan, sila ay binibigyan ng gamot at pinapayuhan ukol sa mga dapat at hindi dapat gawin matapos ang procedure.

Ang naturang programa ay regular ding isinasagawa sa mga barangay health center.

Itinakda sa 150 katao lamang tuwing Biyernes (8:00 AM–12:00 NN) sa People’s Quadrangle ang maaaring makinabang sa programa.

Maaaring magpabunot ng ngipin ang mga residente ng poblacion barangays sa kanilang tanggapan mula Lunes hanggang Biyernes, habang tuwing Martes at Huwebes naman ang nakalaang iskedyul para sa mga senior citizens sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA). (PIO Batangas City)