BMS Nagkaloob ng Libreng Geriatric Screening para sa 105 Barangay Senior Citizen Leaders

  01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg

TINGNI: Nagkaloob ng libreng geriatric screening ang Batangas Medical Society (BMS) sa mga Chapter President ng Senior Citizens Association mula sa 105 barangay ng lungsod ngayong araw, October 3.

Ayon kay Dr. Liza Gonzales ng City Health Office (CHO), bahagi ito ng pagdiriwang ng 68th National Medicine Week ng Philippine Medical Association (PMA) at ng Elderly Filipino Week na may temang “Masiglang may edad at may kapansanan, kamtin ang masayang buhay, itaguyod ang mabuting kalusugan.”

Nakipagtuwang ang BMS sa Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at City Council of the Elderly (CCE) upang maisakatuparan ang aktibidad.

Layunin ng 10-minute screening na masuri ang memorya, mental health at balanse ng matatanda upang ma-assess ang risk of fall, lalo’t tumataas ang bilang ng insidente ng pagkadulas at pagkakaroon ng hip fracture.

Binigyang-diin din ni Dr. Gonzales na ayon sa tala ng DOH, mataas ang posibilidad na maulit ang fracture kapag nagkaroon na nito, kaya’t mahalaga ang ibayong pag-iingat.

Inalam rin sa pamamagitan ng test ang incontinence o kawalan ng kontrol sa pag-ihi at pagdumi.

Bukod dito, isinagawa ang mobility exercise na pinangasiwaan ng Central for Health Development (CHD4A).

Tinalakay rin ng mga resource speakers ang mahahalagang paksa gaya ng bone & muscle health, visual health, auditory health, mental health, oral health at tamang nutrisyon.

Ipinabatid din sa mga kalahok ang mga programang ipinatutupad ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para sa kapakinabangan ng mga senior citizens.

Nagkaroon ng open forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga dumalo na makapagtanong.

Ang geriatric screening ay isinagawa sa unang pagkakataon at nakatakdang ipagpatuloy sa iba’t ibang barangay sa susunod na taon.

Nakiisa sa naturang okasyon sina Congresswoman Beverley Dimacuha gayundin sina BMS President Dr. Raymond Romero, OSCA President Marivel Santos, CCE President Rufina Gamab, City Health Officer Dr. Rosanna Barrion at Dr. Angela Alegre. (PIO Batangas City)