PESO Batangas City, Nagsagawa ng Employers' Forum at Jobseekers' Summit para sa mga Graduating Students at Employers

  01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg 09.jpg 10.jpg

TINGNI: Tinipon ng Public Employment Service Office (PESO) Batangas City ang mga establishment owners, mga kinatawan ng ibat-ibang kompanya at mga graduating students sa kolehiyo sa lungsod para sa Employer’s Forum at Jobseekers Summit ngayong araw, April 23.

Ayon kay PESO Manager Noel Silang, layunin ng naturang okasyon na mabigyan ng labor education ang mga inimbitahan nilang mag-aaral mula sa Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB), University of Batangas (UB) at Lyceum of the Philippines University (LPU)-Batangas na mahalagang impormasyong kailangang mabatid ng mga graduating students kapag sila ay natanggap na sa trabaho.

Tinalakay ni Department of Labor and Employment (DOLE) Batangas-Labor and Employment Officer na si April Rose Magpantay ang General Labor Standards (GLS) na itinakda ng batas kabilang ang mga karapatan, payment of wages, working hours, leave benefits at iba pa.

Magugunita na noong nakaraang taon ay mga batas hinggil sa labor and employment, programa at mga department orders na kailangang ipatupad ang kanyang tinalakay para sa mga employers.

Binigyang diin ni Magpantay na unique ang inisyatibo ng PESO Batangas City na pagsamahin ang mga employers at mga estudyante upang ma-inform ang mga ito.

Tampok din sa nabanggit na pagtitipon ang pagkilala sa mga naging katuwang ng nabanggit na tanggapan sa pagpapatupad ng kanilang mga programa.

Ginawaran ng certificate of appreciation ang Top 5 na employers sa lungsod na may highest number of placement.

Iprinesenta din dito ang Batangas City Employment Information System (BCEIS) kung saan maaaring magpost ang mga employer ng job vacancies at kung saan maaari namang makakuha ng lehitimo at disenteng trabaho ang mga job seekers.

Naging kinatawan ni Mayor Beverley Dimacuha at Congressman Marvey Marino si Secretary to the City Mayor Atty. RD Dimacuha.

Binati niya ang PESO sa mga matagumpay na programa nito tulad ng job matching, career guidance sa mga paaralan gayundin ang pagbibigay ng assistance sa mga OFWs.

Hinikayat niya ang mga dumalo na mula sa pagiging job seekers ay maging mga employers.

Marami aniyang livelihood training na ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng City Agriculture Office (CAO) na maaaring gamitin sa pagsisimula ng negosyo.

Hindi rin aniya mahihirapan ang mga ito sa pagkuha ng business permit sa BPLO dahil sa mas pinabilis na proseso nito. (PIO Batangas City)