COMELEC Batangas City Nagsagawa ng Information Campaign sa Barangay Gulod Labak para sa Mall Voting Program sa May 12 Elections

  01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg 09.jpg

TINGNI: Nagsagawa ng information campaign ang Commission on Elections (COMELEC) Batangas City sa barangay Gulod Labak bilang bahagi ng isasagawang Mall Voting Program (MVP) para sa national and local elections na nakatakdang ganapin sa May 12.

Napili ang naturang barangay na may kabuuang 1,535 rehistradong botante, bilang isa sa mga katuwang sa nasabing programa dahil sa kawalan nito ng mga polling center gaya ng mga elementarya o pampublikong paaralan.

Ayon kay COMELEC Officer Atty. Albert Zara, inikot nila ang lahat ng sitio ng barangay Gulod Labak upang personal na ipabatid sa mga residente na ang kanilang voting precincts ay ililipat na sa SM City Batangas mula sa dati nilang lokasyon sa barangay hall.

Ipinaliwanag niya na layunin ng MVP na mas mapaalwan ang proseso ng pagboto at mabigyan ng kaginhawahan at accessibility ang mga botante.

Lubos naman ang pasasalamat ni Barangay Secretary Jenny Zara Carlos sa inisyatibong ito ng COMELEC at SM City Batangas.

Makatutulong aniya ito upang maiwasan ang mga problemang nararanasan tuwing eleksyon tulad ng matinding init, limitadong espasyo, kakulangan sa parking, at abala kapag umuulan.

Malugod na tinanggap ni SM City Batangas Public Relations Officer Lea De Chavez ang COMELEC at mga opisyal ng barangay na aniya ay bahagi ng commitment ng SM Supermalls na tumulong sa komunidad, partikular ang pagsusulong ng mas maayos at komportableng pagboto ng publiko.

Sa kabuuan, may 20 SM malls sa buong bansa ang nakilahok sa programang ito ng COMELEC, alinsunod sa Memorandum of Agreement na nilagdaan noong Pebrero. (PIO Batangas City)