Bumaba ang bilang ng vehicular accidents sa barangay Balagtas sa first quarter ng 2025

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg

TINGNI: Bumaba ang bilang ng vehicular accidents sa barangay Balagtas sa first quarter ng 2025 kumpara sa first quarter noong 2024 ayon sa ulat ng Batangas Component City Police Station (BCCPS) sa idinaos ng Peace and Order (POC) at City Anti- Drug Abuse Council (CADAC) meeting noong March 7.

Ayon sa report ni OIC-City PNP Chief PLTCOL Ira Morello, nakapagtala ang kapulisan ng 56 vehicular accidents noong January 1- March 6 ng nakaraang taon, habang 38 na aksidente ang naitala sa kaparehong panahon ngayong taon.

Binigyang diin niya na malaki ang naitulong ng pagkakaroon ng flyover sa lugar kung kaya’t nabawasan ang mga aksidente.
Maluwag na aniya ang daloy ng trapiko at hindi na nagsisiksikan at nagkakasabitan ang mga sasakyan dito.

Gayunpaman, may kabuuang 173 vehicular accidents sa iba’t ibang lugar ang naitala ng BCCPS sa nabanggit na petsa.
Iniulat rin ng PLTCOL Morello ang kanilang pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga.
Nakapagsagawa aniya sila ng 47 anti-illegal drug operations, kung saan nakumpiska ang 125.8 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P855,576.00 at naaresto ang 58 drug personalities.

Nasa kamay na rin ng kapulisan ang 39 arestado sa iba’t ibang kaso, kasama ang 16 na Most Wanted Persons, sa rehiyon, lalawigan at lungsod.
Nagsagawa naman ang kapulisan ng 200 Oplan Katok kaugnay ng kampanya laban sa mga loose firearms. (PIO Batangas City)