Malaki ang kita sa pagtatanim at pagsasaka.

  1.jpg 10.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Ito ang binigyang diin ng Pangulo ng Batangas City Vegetable Growers Association (BCVGA) na si Leandro Bobadilla sa panayam ng Palakat Weekend News ngayong araw, March 12.

Mula sa pagiging construction worker, 10 taon na siya ngayon na nagtatanim at nagbebenta ng mga gulay.
Napagtapos na din aniya ang kanyang mga anak sa pag-aaral at nakapagpundar ng ilang ari-arian nang dahil sa pagsasaka.
Kung kayat hinikayat ang mga kabataan at mga kababayang Batangueno na pasukin ang larangan ng sakahan.

At sa pagdaraos ng 17th general assembly ng BCVGA, nagpaabot siya ng taos pusong pasasalamat sa pamahalaang lungsod sa patuloy na suportang ipinagkakaloob sa kanilang grupo.
Malaking tulong aniya ang binhi at abonong kaloob ng lokal na pamahalaan taon-taon upang gumaan ang kanilang gastusin habang sa pamamagitan naman ng mga makinaryang libreng ipinagagamit sa kanila ay gumaan ang kanilang mga gawain sa bukid.

Idinagdag pa niya na hindi lamang sa produksyon handang tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga vegetable growers gayundin aniya sa pagbebenta ng kanilang mga produkto.

Malapit na din aniyang iturn-over sa kanila ang packing house/trading post na magsisilbing bagsakan ng produkto ng mga maggugulay sa lungsod.
Ipinagmalaki din niya na sila ay isa sa mga Civil Society Organization (CSO) na accredited sa lungsod at sa rehiyon.
Hangad niya na mas dumami pa ang kanilang mahigit sa 300 mga myembro at mas maraming intervention tulad ng mga trainings ang ipagkaloob sa kanilang samahan.

Sa mensahe ni City Agriculturist Flora Alvarez, binigyang diin niya ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga farmers sa lungsod.
Siniguro din niya na ipagpapatuloy ng kanilang tanggapan ang paglink ng mga produkto ng samahan sa mga kooperatiba at KADIWA sa lungsod.
Nagpaabot ng pagbati ang Chairman ng Committee on Agriculture ng Sangguniang Panglungsod na si Councilor Ched Atienza na sya ring kinatawan ni Mayor Beverley Dimacuha sa mga myembro ng BCVGA

Nakiisa din sa nabanggit na pagtitipon na pinangasiwaan ng Crops Production Division ng City Agriculture Office si Coun. Michael Villena. (PIO Batangas City)