Wagi ang barangay Talahib Pandayan bilang national passer sa 2024 Seal of Local Good Governance for Barangay (SGLGB).

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Ang SGLGB ay isang taunang programa na isinasagawa ng Department of Interior and Local Government (DILG) na kumikilala sa epektibong pamamahala ng mga barangay.

Ito ay isang taunang performance assessment at recognition system na nagsusuri sa mga barangay upang mahikayat ang mga ito na higit na mapabuti ang pagbibigay ng serbisyo sa pamamagitan ng pagkilala at mga insentibo.

Upang maging national passer, kailangang makasunod sa tatlong pangunahing larangan ng pamamahala, katulad ng pangangasiwa sa pananalapi; paghahanda sa sakuna; at kaligtasan, kapayapaan at kaayusan.

Ang mga barangay ay dapat ding makapasa ng kahit isa sa mga mahahalagang lugar ng pamamahala tulad ng social protection and sensitivity; business-friendliness and competitiveness; and environmental management.

Ayon kay Barangay Chairperson Macario Macalalad, walang pagsidlan ang kanyang tuwa sa pagkamit ng naturang pagkilala dahil nagbunga aniya ang kanilang pagsisikap sa pagpapatupad ng mga programa para sa ibat-ibang sektor sa kanilang barangay.
Isang malaking hamon aniya ang pagiging national passer at nangakong ang responsibilidad at tungkuling sinumpaan ay ipagpapatuloy hanggang matapos ang kanyang panunungkulan.

Lubos ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga kabarangay lalot higit sa pamahalaang lungsod sa suportang patuloy na ipinagkakaloob nina Mayor Beverley Dimacuha at Congressman Marvey Marino kung kaya aniya nagkaroon ng katuparan ang mga improvement at development na pinangarap nyang maipatupad sa kanilang lugar.

Ang Talahib Pandayan ang may pinakamalaking total land area sa lungsod at may mahigit sa 3000 populasyon. (PIO Batangas City)