Batangas City Septage Treatment plant, pinasinayaan

  1.jpg

Pinasinayaan at binasbasan ang Batangas City septage treatment plant sa barangay San Jose Sico ngayong araw, December 5.

Ito ay bilang pagtalima sa itinatakda ng Republic Act 9275 o ng Philippine Clean Water Act of 2004 kung saan tinatagubilin ang lahat ng local government units (LGUs) na magkaroon ng septage management system.
Layunin ng naturang batas na ipinatutupad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na matugunan ang iba’t ibang suliranin hinggil sa maruming tubig at masiguro ang pagkakaroon ng malinis na suplay nito.
Ayon sa Sanitation & Wastewater Head ng PrimeWater Infrastructure Corp. na si Arch. Vergel Paule, isang paraan upang mapangalagaan ang water supply ay ang pagpapasipsip sa laman ng septic tank sa mga kabahayan.
Ang mga ito ay kailangang madala sa naturang facility upang maitreat.
Paghihiwalayin aniya ang mga ito kung saan ang mga solid ay tinatawag na biosolid na ihahaul out ng DENR accredited contractor habang ang mga tubig (liquid) na pinagpigaan nito ay dadaan sa proseso sa ilalim ng Department Administrative Order 2016 na may mga standard criteria at pasado sa Class C standard.
Ito ay nakapaloob sa Septage Management Ordinance ng lungsod.
Hahatiin ang lungsod sa limang zones at magkakaroon ng schedule ng desludging o pagpapahigop ng isang beses kada limang taon upang malinis ang mga poso negro.
Ito ay babayaran ng installment ng mga consumers sa loob ng limang taon.
Nauna rito nakapagsagawa na ang PrimeWater ng Information Education Campaign (IEC) sa mga barangays kung saan ipinapaliwanag nila ang ruta na dadaaanan, ang schedule at upang maisiguro na ligtas ang naturang programa.
Target nilang simulan ang operasyon sa Enero ng taong 2024.
Naging kinatawan sa nabanggit na okasyon nina Mayor Beverley Dimacuha at Congressman Marvey Marino si dating Konsehal Serge Atienza kung saan binigyang diin nila sa mensaheng kanilang ipinaabot na nagbunga ang pakikipagtuwang ng lokal na pamahalaan sa PrimeWater at Batangas City Water District (BCWD) upang mapangalaagan ang kalikasan at ang kalusugan ng mga mamamayan ng lungsod
Nagpaabot naman ng taos pusong pasasalamat si BCWD BOD Chairman Wilfrido Jacinto sa suportang ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod upang magkaroon ng katuparan ang nasabing pasilidad.
Nakiisa sa blessing at inauguration sina Bokal Claudette Ambida, Bokal Bart Blanco, BCWD General Manager Bernardo Hornilla, PW Branch Manager Engr Yul Valdez, PW BatMin Cluster Operations Head Cristina Lipa at ang mga myembro ng Sangguniang Barangay ng San Jose Sico. (PIO Batangas City)