Programang Chikiting Ligtas ng DOH, simula na

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Nagsimula na ang Measles Rubella at Oral Polio Vaccine Supplemental Immunization Activity (MR-OPV-SIA) ng Department of Health (DOH) na tinaguriang ‘Chikiting Ligtas ngayong araw, May 2. Layunin ng nasabing programa ng nabanggit na kagawaran na isinasagawa taun-taon na mapaigting ang laban kontra sa tigdas, rubella at polio. Ito ay bakuna na ligtas, libre at epektibo para sa proteksyon ng mga bata.

Ang pagbabakuna ay isinasagawa sa mga barangay health center. Kaugnay nito, nagsadya ang vaccination team ng City Health Office (CHO) kasama ang ilang kinatawan ng DOH sa barangay Poblacion 24. Ang lahat ng mga bata na may edad 9-59 na buwan ay dapat mabakunahan ng measles-rubella (MR) vaccine anuman ang kanilang immunization status. Para sa 9-59 buwan na buwang gulang na hindi pa nabigyan ng anumang bakuna na naglalaman ng tigdas sa nakalipas na apat na linggo, ang bakunang MMR o Measles Mumps Rubella ang ibibigay sa halip na MR. Ang lahat ng mga batang ay edad na 0-59 na buwan ay dapat mabigyan ng bOPV anuman ang kanilang immunization status.

Ngayong unang dalawang linggo ng Mayo gaganapin ang intensive vaccination habang ang kasunod na dalawang linggo naman ay ilalaan para gawin ang rapid convenience monitoring (RCM) , mop-up para sa mga napalampas na bata at follow up sa mga ipinagpaliban na bata. Para sa iskedyul ng pagbabakuna sa inyong lugar, makipag-ugnayan lamang sa inyong barangay health worker (BHW). (PIO Batangas City)