Resolusyon upang masiguro ang kalidad ng karneng ibinebenta sa lungsod, inaprubahan

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Isang resolusyon ang inihain ng Committee on Trade, Commerce and Industry and Operations on Markets sa sesyon ng Sangguniang Panglungsod (SP) ngayong araw upang masiguro ang kalinisan at kalidad ng mga karneng pumapasok sa lungsod. Ang resolusyon na may titulong “A Resolution for the Amendment of Ordinance No. 5, S. 2017, Article VIII, Penal Provisions Section 1 and 2 And An appeal for the Reconsideration of Livestock That Dies During Travel to the Slaughterhouse” ay iniakda ni Councilor Boy Dimacuha.

Ayon sa kanya, may mga natatanggap silang report na may mga nangyayaring mishandling ng mga livestock partikular yaong mga ibinibyahe patungong slaughterhouse kung saan nagkakasakit at namamatay ang mga hayop dahilan sa mga malpractices. “Nakababahala sapagkat kapag ang mga baboy o manok na naoobserbahan na matamlay, o maysakit habang nasa byahe ay agad na kinakatay sa loob pa lamang ng sasakyan at nakahahanap pa ng paraan na maibenta sa labas ng mga palengke,” sabi ni Dimacuha.

Binigyang diin naman ni Acting Regional Director of National Meat Inspection Service (NMIS) Eduardo Oblema na malinaw na paglabag ito sa Meat Inspection Code of the Philippines. “Ang mga livestock na masusumpungan na patay na o nasa dying condition ay dapat ma-condemn para sa ante-mortem inspection. Ililipat ito sa ibang lugar para masiguro ang kaligtasan ng iba pang hayop maging ng mga tao,” sabi ni Oblema Agad namang naghain ng rekomendasyon ang komitiba para hindi na muling maulit ang ganitong gawain.

Bukod sa ipinasang resolusyon, isinusulong ng komitiba ang maigting na pagsunod sa mga opisyales ng market at slaughterhouse hinggil sa mga umiiral na batas, patakaran, at regulasyon sa promotion ng food safety. Samantala, nakasaad sa amendment ng nabanggit na ordinansa ang pagdaragdag ng isang national law para sa mas mataas na penalty para sa mga lalabag sa batas na ito. Bukod dito, isinusulong din sa probisyon na isama sa kaso ang mga meat inspectors na mapapatunayang nagkulang sa kanilang trabaho upang maiwasan ang nasabing iligal na gawain.(PIO Batangas City)