CBMS trainers ng lungsod, nagsasanay para sa isasagawang census

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Sumasailalim sa pagsasanay ang mga Community-Based Monitoring System (CBMS) trainers ng lungsod para sa 3rd level ng 2022 CBMS Nationwide Rollout na itinataguyod ng Philippine Statistics Authority (PSA) katuwang ang pamahalaang lungsod.

Ito ay nagsimula noong July 18 sa Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB) na bahagi ng paghahanda sa isasagawang census ng mga kabahayan sa bawat barangay sa Agosto. May 17 kawani ng City Planning and Development Office (CPDO) ang personal na dumadalo sa nasabing training habang ang ibang empleyado naman ay nakikiisa online. Kasama nila ang mga kawani mula sa walong lokal na pamahalaan sa lalawigan na nakatakda ding magsagawa ng CBMS.

Bahagi ng walong araw na training ang concept, definition of terms, pagsasagot sa questionnaires gamit ang tablet at iba pa. Nagsisilbing resource speakers sa training ang mga kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa pangunguna ni PSA-Batangas Chief Statistical Specialist Raul Maximo Tolentino. "Napakahalaga ng mga makokolektang data dahil ito ang magiging basehan sa pagbubuo ng mga plano at priority programs para sa mga mamamayan", sabi ni Tolentino..

Sunod aniyang sasailalim sa training ang 355 enumerators ng lungsod. Idinagdag pa niya na tinatayang matatapos ang census sa Oktubre at magagamit na ang nakalap na data sa susunod na taon. (PIO Batangas City)