Health and safety protocols kontra COVID-19, mahigpit na ipatutupad sa Foundation Day activities

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Istriktong implementasyon ng mga health at safety protocols ang isasagawa ng pamahalaang lungsod sa pagdiriwang ng 53rd Batangas City Foundation Day sa July 23 upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Ito ang tagubilin ni Mayor Beverley Dimacuha sa idinaos na joint virtual meeting ng Cultural Affairs Committee (CAC) at Local IATF ngayong araw.

Inatasan niya sa naturang pagpupulong ang City PNP, DSS, TDRO at EBD monitoring team na siguraduhing nakaantabay sila sa lahat ng mga gawain para sa pagpapatupad ng safety protocols. “Paulit ulit nyong paalalahanan ang mga participants at mga manonood na palaging isuot ng tama ang face mask at panatilihin ang physical distancing”, sabi ni Mayor. Iminungkahi din niya na magdala ng placards ang mga ito. Limitado lamang ang mga inihandang gawain para sa Foundation Day kung kayat kinansela ang taunang Sublian sa Kalye at sa halip ay isang maigsing parada na lamang na may kasamang drumbeaters ang isasagawa sa July 23.

Bukod sa temperature check, kailangang magpresenta ng vaccination cards, at itsek ang health declaration/condition ng mga kalahok sa iba’t ibang kumpetisyon. Mahigpit pa ring pinaaalalahanan ng pamahalaang lokal ang publiko na maging maingat at sumunod sa health and safety protocols para makaiwas sa virus. (PIO Batangas City)