Symbolic COVID-19 Vaccination for Pediatric Population, isinagawa

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

May 20 kabataan edad 12-17 years old with comorbidities sa lungsod ang binakunahan sa isinagawang Symbolic COVID-19 Vaccination for Pediatric Population sa Batangas Medical Center (BATMC) ngayong araw, October 29. Ang mga piling kabataan ay mula sa barangay Libjo, Ambulong, Sta. Rita, Sta. Clara, Cuta, Pallocan West, San Jose Sico at poblacion na pawang may mga medical certificate mula sa pediatrician na sila ay may comorbidities.

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Rosvilinda Ozaeta, maituturing na historical ang pediatric vaccination dahil ito ang matagal nang hinihintay hindi lamang ng mga magulang lalot higit ng mga kabataan. “Nais kong pasalamatan ang mga magulang sa pagtitiwala sa health system ng bansa dahil kung walang magtitiwala sa ginagawang pag-aaral ng mga eksperto malabo nating maigupo ang pandemyang ito,” sabi ni Dr Ozaeta.

Ipinabatid din niya na 35% pa lamang o 2.1 milyong indibidwal ang fully vaccinated na sa buong probinsya ng Batangas na malayo pa aniya sa 70% na herd immunity na tinatarget na makamit bago matapos ang taon.

Naniniwala naman si Batangas City Health Officer Dr. Rosanna Carmelita Barrion na sa pamamagitan ng pagbabakuna sa mga kabataan, lalong tataas ang porsyento ng mga bakunado hindi lamang sa Batangas City kundi maging sa buong bansa.

“Hangad nating lahat na matapos na ang pandemyang ito at isa sa susi ay ang isinasagawa nating vaccination,” sabi ni Dra Barrion. Tinalakay ni Pediatric Society of the Philippines Region IV President Dr. Elizabeth Palines ang kahalagahan ng pagiging bakunado ng mga kabataan laban sa COVID19.

Ito aniya ay upang hindi maging ‘spreader’ ang mga bata at lumiit ang tsansa na sila ay maging infected. “Mahalaga na masimulan na ang vaccination ng ating mga anak para bumalik ang normal activities nila tulad ng pag-aaral,” ayon pa sa kanya.

Ipinabatid naman ni Dr. Valerie Pascual ng DOH Region IV-A na magsisimula nang magbakuna sa lahat ng mga 12-17 years old sa susunod na linggo bilang paghahanda sa isinusulong na face to face classes ng mga estudyante.

Ayon pa sa kanya, naghihintay na lamang ang mga Regional Offices ng DOH ng go signal mula sa national office para sa booster dose na isa rin sa hinihintay ng mga Pilipino. Nagpaabot ng virtual message si Mayor Beverley Dimacuha kung saan binigyang diin niya na bakuna ang sagot upang mapagtagumpayan ang laban sa COVID-19.

“Huwag tayong maniwala sa mga fake news na kumakalat sa social media na masama sa kalusugan ang mga vaccines bagkus mas maniwala tayo sa mga eksperto na masusing pinag-aaralan kung paano magugupo ang corona virus,” sabi ni Mayor. (PIO Batangas City.)