City Advisory Council, City Advisory Group na ngayon

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Isang pagpupulong ang isinagawa ng mga myembro ng City Advisory Council (CAC) ng Batangas City Police Station (BCPS) ngayong araw kung saan ipinaalam ng City PNP na mula sa pagiging City Advisory Council, sila  ay tatawaging City Advisory Group (CAG) na ngayon.

Ito ayon sa National Advisory Group for Police Transformation and Development (NAGPTD) Resolution No. 2021-002  o Uniformity in the Nomenclature of All Advisory Groups of the Philippine National Police sa layuning  magkaroon ng iisang pangalan  ng grupo at para sa higit na pagkakaisa ng mga advisory groups sa pagsusulong ng PNP P.A.T.R.O.L Plan 2030 bilang long-term transformation strategy ng PNP.

Iniulat ni  CAG Chairman Armando Lazarte ang mga naging proyekto at kontribusyon ng kanilang grupo  sa pagpapatupad  ng mga programa ng BCPS ngayong panahon ng pandemya.

Kabilang dito ang pagkakaloob ng  anim na unit ng NMAX  motorcycles na ngayon ay ginagamit ng mga pulis sa pagpapatrolya  at mabilis na pagresponde sa kriminalidad.

Katuwang din sila sa pagtataguyod ng “ Barangayanihan”  o ang pamamahagi ng ayuda sa mga higit na nangangailangang pamilya sa lungsod.
Namigay ang grupo  ng facemask, wheelchair, gamot, alcohol, police line at iba pa.

Nagsagawa din ang CAG ng feeding program sa Bahay Kalinga at tumulong din  sa pagsasaayos   ng tanggapan ng pulisya.
Nakatakda naman silang mamigay ng mga gamot at vitamins para sa mga inmates ng San Jose Sico Jail sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito, pinasalamatan  ni Batangas City PNP Chief. PLtCol Gerry Laylo ang CAG sa aniya ay malaking tulong nito sa matagumpay na implementasyon ng mga programa ng kapulisan.