One-Stop Shop for Construction Permitting (OSCP) online application system, inilunsad

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Sa layuning mapabilis ang proseso ng pagkuha ng building at occupancy permit sa Batangas City, inilunsad ang One-Stop Shop for Construction Permitting(OSCP) Online Application System, September 7. Ayon kay City Engineer Adela Hernandez, malaking hakbang ito upang matupad ang hangarin ng pamahalaang lungsod na maging fully automated na ang lahat ng transaksyon ng gobyerno. Taong 2014 aniya ng simulan ni dating Punonglungsod Eduardo Dimacuha na i-streamline ang mga proseso sa pagkuha ng business at occupancy permit sa tulong ng United States Agency for International Development (USAID). “Sa pamamagitan ng EO No.16 S. 2014, nabuo ang Batangas City Building Permit and Occupancy Permit One-Stop-Shop (BPOSS) upang mapaikli ang processing time mula 20 araw hanggang 7 araw na lamang para sa building permit at 20 araw hanggang 5 araw sa occupancy permit,” sabi ni Hernandez.

Ipinabatid din niya na inamyendahan noong 2018 ang nabanggit na executive order at pinalitan ng One Stop Shop for Construction Permit (OSCP) ang BPOSS upang higit pang mapabilis ang proseso sa pag-secure ng mga nabanggit na permit.

“Ilan sa mga improvements ay ang pagdadagdag ng dalawang departamento sa original na team composition ng BPOSS kabilang na ang City Assessor’s Office at City Treasurer’s Office. Ipinatutupad na din ang one-time payment na malaking alwan sa mga aplikante, bukod pa sa paglipat ng BPOSS sa mas maganda at mas malaking opisina,” ayon pa sa kanya.

Bukod dito, nagkaroon din ng unified application forms na siyang ginagamit ng mga aplikante. Binigyang diin ni Hernandez na sa pagpoproseso ng building at occupancy permit, mula sa 7 days naging 5 days na lamang para sa simple transaction, 7 days para sa complex transaction at 21 araw naman para sa highly technical transaction.

Sa naturang launching, ipinakita ni Information Communication Officer Raymond Sadiwa ang actual demonstration kung paano mag-apply online para sa mga permits. May mga link na kailangang i-click ang aplikante upang i-download ang application forms at kailangan din na mayroon silang sariling email account. Sundan lamang aniya ang step by step application hanggang makarating sa payment at releasing.

Hangad din ng ipatutupad na automated building permit and certificate of occupancy system na tuluyan nang mawala ang red tape sa mga ahensya ng gobyerno. Kaugnay nito, ipinaabot ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Jeremiah Belgica ang kanyang paghanga sa resolve at political will sa mga namumuno sa Batangas City. Aniya, hindi ito madaling gawin at umaasa siya na maging magandang halimbawa ang lungsod hindi lamang sa rehiyon kundi maging sa buong bansa.

“You cannot automate unless you streamline your processes. Kung hindi ito gagawin, mapapasok ng red tape ang automation. At dito ako hanga sa Batangas City dahil ipinakita ninyo ang transparency ng inyong pamumuno,” sabi ni Belgica. Lubos ang pasasalamat ni Mayor Beverley Rose Dimacuha sa USAID na aniya ay 10 taon nang partner ng local na pamahalaan at walang sawa sa pagbibigay ng technical assistance para sa epektibong serbisyo publiko.

“Halos naging tourist destination ang BPLO dahil sa dami ng mga naglalakbay aral upang gayahin ang ating mga ginagawa at ipatupad din sa kanilang mga LGU’s. Maraming salamat sa USAID gayundin sa lahat ng bumubuo ng team dahil kung hindi sa pagkakaisa at pagtutulungan ninyo, hindi magiging posible ang araw na ito,” pagbibigay-diin ni Mayor.

Ang paglulunsad ay pinangunahan ng Local Economic and Investment Promotions Office (LEIPO). Bukod kay Belgica, dumalo din sa launching si DILG Regional Director Ariel Iglesia, USAID SURGE Chief of Party Sergio Andal Jr, at Deanna Lijauco Component 2 Lead ng USAID. (PIO Batangas City)