Special Program for Employment of Students, simula na

  1.png 2.png 3.png

Nagsimula na noong August 2 ang may 75 kabataang Special Program for Employment of Students (SPES) grantees sa 20 araw na summer jobs sa kani-kanilang barangay sa halip na sa iba’t ibang departamento ng pamahalang lungsod ng Batangas dahil sa pandemya.

Layunin nito na mabigyan ng pagkakataong makapaghanapbuhay ang mga mag-aaral ngayong bakasyon lalo na yaong hirap makapag-aral dahilan sa kakulangang pinansyal. Ayon kay Public Employment Service Office Manager (PESO) Noel Silang na siyang namamahala sa nasabing programa, nais ni Mayor Beverley Dimacuha na matulungan ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng naturang programa na may pagsasaalang-alang sa kanilang kalusugan at kaligtasan.

Ilan sa mga grantees ay pinili mula sa rekomendasyon ng mga opisyal ng KALIPI ng kani- kanilang barangay at ang iba naman ay personal na nagbigay ng aplikasyon at nakatugon sa requirements ng programa. Kailangang magsumite ng weekly report ang mga SPES grantees sa PESO hinggil sa mga humanitarian, resilience at innovative programs ng kanilang barangay ngayong panahon ng pandemya.

Tatanggap ang bawat isang SPES ng mahigit sa P10,000 allowance para sa 20 araw na pagtatrabaho kung saan 60% nito ay mula sa pondo ng pamahalaang lungsod samantalang ang 40% ay manggagaling sa pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE). (PIO Batangas City)