Integrated Business One-Stop Shop ng Batangas City, bubuksan na

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Isasagawa ang soft opening ng Integrated Business One-Stop Shop (BOSS) ng pamahalaang lungsod ng Batangas sa bagong tahanan nito sa 4th floor ng Bay City Mall sa ika-16 ng Disyembre.

Ayon sa hepe ng Business Permit and Licensing Office na si Ditas Aguado-Rivera, layunin ng BOSS na makapagbigay ng mas mabilis at simpleng proseso ng pagrerehistro at pagrerenew ng negosyo sa lungsod.

Kabilang dito ang mga regulatory office na nagbibigay ng kaukulang certification o clearance kaugnay ng pagkuha ng business permit tulad ng BPLO, City Health Office (CHO), City Planning and Development Office (CPDO) Environment and Natural Resources Office (ENRO), City Treasurer’s Office (CTO), Office of the City Veterinarian and Agricultural Services (OCVAS), Office of the City Market Administrator (OCMA) at Bureau of Fire Protection (BFP). Matatagpuan din sa nasabing lugar ang One Stop Shop for Construction Permits (OSCP) na pinangungunahan ng tanggapan ng City Engineer’s Office (CEO). Kasama nila sa pagpoproseso ng construction permit ang mga kawani mula sa ENRO, CPDO, BFP, CHO,OCVAS, CTO at Assessor’s Office.

Ililipat na din dito ang License Division ng City Treasurer’s Office para sa pagbabayad ng business permits, transfer tax at pagkuha ng sedula. Ang mga staff ng Information Technology Service Division (ITSD) ang magbibigay ng impormasyon hinggil sa online registration at online payments. Ang online registration ay para sa mga compliant ang negosyo sa mga regulatory offices kasama na ang national agencies.

Maaaring makapag register online sa www.batangascity.gov.ph. Ang mga national agencies tulad ng Philhealth, PAG-IBIG at Social Security System (SSS) ay may nakalaan ding lugar dito para sa mga aplikante na kakailanganin ang clearances at requirements mula sa kanilang tanggapan.

Binigyang diin ni Rivera na sa halip na isa-isang puntahan ng mga aplikante ang mga naturang opisina, computerized na ang sistema tulad ng mga nagdaang taon kaya madali ang processing. Magugunita na simula pa noong 2014, wala nang form na kailangang ifill out ang mga aplikante. “Ang kailangan lamang ay sabihin ang pangalan at awtomatikong mareretrieve na ito sa aming system,” sabi ni Rivera. Noong buwan ng Enero, nagsimula ang integration ng issuance ng barangay clearance sa BOSS sa pamamagitan ng barangay at city ordinances upang hindi na kailangan pang pumunta ng aplikante sa barangay hall. May 9 windows para sa pagtanggap ng mga applicants o para sa “File and Assessment” at 5 windows para sa bayaran o “Pay and Claim”. “Mas mabilis na serbisyo at mas maginhawang kapaligiran ang maasahan sa pagrerehistro ng inyong bagong negosyo at pagrerenew ng inyong business permits simula sa ika-4 ng Enero,” pagtatapos ni Rivera. (PIO Batangas City)