Road clearing operations, muling ipatutupad ng DILG

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Muling ipatutupad ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang road clearing operations sa buong bansa maliban sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) at enhanced community quarantine (ECQ) gayundin sa mga lugar na naapektuhan ng baha.

Ito ay alinsunod sa Memorandum Circular (MC) no. 2020-145 ng nasabing kagawaran. Ayon kay DILG Batangas City Director, Esther Dator, partial implementation ng road clearing operations lamang ang ipatutupad sa Batangas City dahil ito ay nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ).

Nagsimula ang implementasyon ng naturang kautusan kahapon, November 16 kung saan ilan sa mga dapat gawin ay ang pag-aalis ng mga nakaharang sa kalye at sidewalks na maaring magdulot ng panganib sa mga motorista at pedestrian.

Kabilang din dito ang mga illegally parked na mga sasakyan, maliban sa mga ambulances at public emergency vehicles. Aalisin na rin ang mga barangay checkpoints, mga nakaharang na road signage sa mga tapat ng paaralan at mga iligal na istraktura sa mga pampublikong daanan. Sisitahin rin ang mga magtitinda sa mga sidewalk.

Sinabi ni Dator na dapat ay ipatupad na ang paggamit ng bicycle lanes at sundin ang tamang ruta ng mga tricycles.

Nakatakdang bisitahin ng DILG ang lungsod sa Enero 2021 upang masiguro ang pagsunod nito sa road clearing memorandum. (PIO Batangas City)