National Juvenile Justice Consciousness Week, ginunita

  1.png 2.png 3.png 4.png 5.png 6.png 7.png

Bilang paggunita sa National Juvenile Justice Consciousness Week, isang virtual conference ang isinagawa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) noong ika-9 ng Nobyembre.

Tinalakay sa nasabing gawain ang Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice & Welfare Act na naglalayong baguhin ang pagtingin at trato ng mga tao sa mga batang 15 taon gulang pababa na naligaw ng landas gayundin ang pagbibigay ng proteksiyon sa karapatan ng mga ito. Hangad din ng batas na ito na matulungan ang naturang mga kabataan na maiwasang gumawa muli ng mga paglabag sa batas at mabigyan sila ng pagkakataon na makapagbagong buhay.

Ayon sa RA 9344, hind maaaring ibilanggo ang mga batang 15 taong gulang pababa o yaong mga “child in conflict with the law”. Sa halip na ikulong, isasailalim sila sa ibat ibang intervention at prevention programs. Ayon sa mensaheng ipinaabot ni Mayor Beverley Dimacuha, sinabi niya na bilang isang magulang, mahirap isipin na ang iyong anak na mapapariwara o masasangkot sa mga gawaing labag sa batas.

“Kung dumating man tayo sa ganong sitwasyon, inaasahan natin na maging makatarungan ang batas at maipapatupad ang tamang proseso kung saan maituturo sa kanila ang tamang landas na dapat tahakin,” sabi ni Mayor. Binigyang diin niya na gabay, kalinga at pagmamahal ang kailangan upang mapangalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Ang naturang forum ay dinaluhan ng mga sector leaders ng Women’s Federation, Early Childhood Care and Development (ECCD), NGO’s, mga myembro ng SK Federation at barangay officials.

Samantala, ayon sa resource speaker na si Atty. Dexter Jonas Lumanglas, Clerk of Court Family Court I, may limitasyon ang paglabas upang umatend sa mga hearings dahil sa pandemic kung kayat pinapayagan ng supreme court ang video conferencing upang maiwasan ang close contact.

Idinagdag naman ni Fiscal Rita Gonzales, Assistant City Prosecutor na ang filing of cases, inquest proceedings, consultation, court proceedings at iba pang may kinalaman sa pag aasikaso ng kaso ay maaari din gawin thru video conferencing upang maiwasan ang pagkadelay ng mga ito. (PIO Batangas City)