Elderly Week, ipinagdiwang sa Batangas City

  1.png 10.png 11.jpg 2.jpg 3.png 4.png 5.png 6.png 7.png 8.png 9.png

Isang virtual forum ang isinagawa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) bilang pagdiriwang ng Elderly Week na may temang "Healthy & Productive Aging Starts With Me” noong ika-12 ng Oktubre.

Layunin ng nasabing gawain na bigyan ng sapat na kaalaman hinggil sa kanilang mga karapatan ang mga pangunahing mamamayan ng lungsod.

Nagsilbing resource speaker si Diosa Atienza, RSW Officer at Program Coordinator ng City Council for the Elderly (CCE) kung saan tinalakay niya ang Republict Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens' Act of 2010 na naglalaman ng mga pribilehiyo at benepisyong maaaring matanggap ng mga senior citizen. Ilan sa mga ito ay ang 20% discount sa mga gamot, consumer goods sa ibat-ibang establisiyemento, pamasahe, medical at dental services sa mga pribadong pasilidad, funeral services at libreng sine.

Binanggit naman ni CSWD Officer Mila Espanola ang mga benipisyong ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod tulad ng pagbibigay ng assistive/physical devices (tungkod, wheel chair, crutches, prosthetics, artificial leg), medical assistance at food assistance para sa mga indigent na senior citizen.

May 7,559 senior citizens sa lungsod ang tumatanggap ng social pension bilang karagdagang benepisyo. Idinagdag pa niya na yaong mga edad 100 pataas o centenarians ay pinagkalooban ng cash ng lokal na pamahalaan habang 432 na 90 taong gulang naman pataas ang binigyan ng food commodities.

Sa mensaheng ipinaabot ni Mayor Beverley Rose Dimacuha, binigyang diin niya na nasa puso niya ang pagmamahal sa mga nakatatanda. “ Katulad ng aking mga magulang na kapwa naglingkod sa lungsod, prayoridad ko ang kapakanan ng mga pangunahing mamayan ng Batangas City lalo na ngayong panahon ng pandemya, “ sabi ni Mayor.

Kaugnay nito, pahihintulutan ang mga senior citizens sa mga lugar kung saan umiiral ang iba’t ibang antas ng community quarantine na makalabas upang maghanapbuhay, makabili ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan bilang pagsunod sa Memorandum Circular No. 2020-110 ng IATF.

Ang naturang virtual forum na dinaluhan ng may 60 cluster president ng samahan ng mga nakatatanda sa lungsod ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan sa Office of the Senior Citizens Association (OSCA) at ng City Council for the Elderly (CCE). (PIO Batangas City)