Mga pampubliko at pribadong sementeryo, pansamantalang isasara

  1.jpg

Nakatakdang isara pansamantala ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo, ossuariums at memorial parks sa Batangas City mula October 30 hanggang November 2 alinsunod sa Executive Order (EO) No. 39, S. 2020 na ipinalabas ngayong araw September 9. Inaatasan ng EO ang publiko na dumalaw sa mga sementeryo, ossuariums at memorial parks ng mas maaga, bago o makalipas ang nasabing mga petsa upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa nabanggit na mga lugar na isang tradisyon tuwing All Saints’ Day at All Souls’ Day.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang mass gatherings at istriktong ipatutupad ang social distancing dito. Hinihikayat din na magsagawa ng mas maagang pa -misa, padasal at iba pang religious rites para sa mga namayapang mahal sa buhay.

Inaatasan ang pamunuan ng mga sementeryo, ossuariums at memorial parks na magtalaga ng mga Safety Protocol Officers upang matiyak na naiipatupad ang safety at health protocols laban sa COVID 19. (PIO Batangas City)