Clean Rider campaign laban sa riding in tandem na sangkot sa krimen

  1.jpg 2.jpg

BATANGAS CITY- Sa mga riding in tandem na malimit sangkot sa mga pagpatay, nakawan, at iba pang krimen, mayroong kampanya ang Philippine National Police upang mapigilan ang kanilang ilegal na gawain- ang Clean Rider campaign kung saan ang isang may ari ng motorcycle ay kailangang magparehistro sa pulis. Ayon sa Batangas City Police, layunin ng kampanyang ito na maging ligtas ang publiko sa kalsada, mapabilis ang pagsisiyasat sa mga checkpoints, at mapadali ang pagtukoy sa mga naka motor na sangkot sa krimen at traffic violations.

Sinabi ni P/SI Julius Almeda, chief operation ng Batangas PNP, na hinihikayat nila ang mga nakamotor sa lungsod na magparehistro sa estasyon ng pulis para na rin sa kanilang seguridad.

May 59 na motorcycle owners sa lungsod ang nakapagpagrehistro na sa police station at nakabitan na ng stickers. Ang mga kailangang isumite upang mapabiling sa Clean Riders ay ang Official Receipt (OR) ng motor, Certificate of Registration (CR), driver’s license, deed of sale kung hindi sa kanila nakapangalan ang motorsiklo at dalawang valid identification.

Ayon naman kay SPO1 Denies Gelizon ng Batangas City SWAT, sisiyasatin nilang mabuti kung tunay ang mga papeles o kaya ay walang paglabag sa batas at hindi nakaalarma sa vehicle Information Management System ng Highway Patrol Group. Ang motor ay sisiyasatin din kung sangkot sa mga paglabag sa batas.

Matapos dumaan sa masusing pagsisiyasat ng mga dokumento at motor, itatalaga ng pulis ang owner bilang clean rider sa system ng Campaign Plan Clean Rider. Tatlong stickers ang ibibigay sa bawat motor na pasado sa pagbeberika na may iisang serial number lamang. Ang mga ito ay ididikit sa motorsiklo, helmet na my ICC mark, at sa likod ng driver's license ng may-ari. (PIO Batangas City)