City Police naglunsad ng proyekto sa unang Police Service Day celebration

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 18.jpg 19.jpg 2.jpg 20.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Ipinagdiwang ng Batangas City PNP ang kauna-unahang Police Service Day nito kaalinsabay ng 117th Police Service Anniversary noong September 13, sa Amphitheater ng Plaza Mabini sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga proyektong naglalayong mapalakas ang peace and order campaign at mapaigting ang magandang relasyon nito sa komunidad.

Tema ng pagdiriwang ang “Pagbabago sa Hanay ng Pulisya, Hatid ay Ligtas na Pamayanan, Laban sa Korupsyon, Krimen at Ilegal na Droga para sa Mamamayan ng Batangan sa Pakikipagtulungan ng Barangay at Kabataan”.

Sinabi ni Mayor Beverley Rose Dimacuha na “ mapalad ang Batangas City sa pagkakaroon nito ng mga mahuhusay at matitinong mga pulis kung kayat napapanatili ang katahimikan at kaayusan sa lungsod na isa sa mga pangunahing criteria sa pagkamit ng lungsod ng Seal of Good Local Governance (SGLG).” Ipinaabot niya ang kanyang pagbati sa Batangas City PNP at umaasa aniya siya na magpapatuloy ang pagtutuwang nito at ng lokal na pamahalaan. Ibinalita rin niya ang paglalaan ng karagdagang budget ng pamahalaang lungsod para sa 10 mobile patrol cars na gagamitin ng kapulisan.

Binigyang diin naman ni Congressman Marvey Marino na ang pagkakaroon ng peace and order sa lungsod ay nangangahulugan ng mas maraming investments na magdudulot ng magandang ekonomiya dito. Nangako siya ng suporta sa iba pang mga pangangailangan ng kapulisan.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, muling inilunsad ang Bike Patrol na tinaguriang Project Seguridad ng Urban, Bisikleta Laban sa Kriminalidad at Mabilis na Serbisyo o Project SUBLIAN upang mapalakas ang police visibility sa pamamagitan ng pagpapatrol sa mga kritikal na lugar at mabilis na pagtugon sa insidente ng krimen lalo na sa oras ng heavy traffic.

Ito ay proyekto ni dating Batangas City PNP Chief PSPSupt. Nicolas De Torre, na tinawag bilang Project Pedal at ipinagpatuloy ni PSupt. Manuel Castillo bilang best practice ng Batangas City Police Station.

Nagkaroon ng symbolic turn-over ng 10 mountain bikes ng Batangas City Police, na ipinagawa at pinaganda ni Pangulong Angelito “Dondon” Dimacuha ng Association of Barangay Captains at apat na bagong mountain bikes mula kay Mayor Dimacuha. Ang mga ito ay gagamitin ng mga kapulisan na nag volunteer ng extra duty hours para sa proyektong ito.

Ayon kay ABC President, hindi siya nagdalawang isip sa pagsuporta sa bike patrol sapagkat bukod sa magandang solusyon ito sa traffic, promosyon din aniya ito sa pagiging bike- friendly ng lungsod.

Itatalaga ang mga police bikers malapit sa campus areas sapagkat ang mga estudyante ang madalas na nabibiktima ng masasamang loob base sa kanilang na-mo-monitor sa social media. Sa dry run ng Bike Patrol noong August 6, may 120 traffic violators ang na apprehend ng pulis at nakaresponde sa ilang insidente sa Batangas National High School at barangay Kumintang Ibaba.

Inilunsad din dito ang Project Blue Box na isang crime- reporting system na inadapt ng Batangas City PNP mula sa Region kung saan maaaring magbigay ng puna, papuri, reklamo, reaksyon, sumbong, mungkahi at mga impormasyon na magtuturo sa mga kriminal partikular sa ilegal na droga. Ito ay ilalagay sa mga strategic places tulad ng malls, simbahan, city hall, palengke at terminal kung saan pwedeng ihulog sa mga boxes ang mga feedback notes ng mga mamamayan.

Nagbigay din ng certificates of appreciation ang Batangas City PNP kina Mayor Dimacuha sa pagkakaloob nito ng Hyundai Back- to- Back Mobile at kay District Collector Atty. Edward Ibera ng Bureau of Customs sa Batangas sa ibinigay nitong Toyota Hi lux pick up.

Binasbasan ang mga bigay na sasakyan at mga equipment kagaya ng mga bullet proof vests at breath analyzers.

Nagkaroon din ng feeding program at free blood pressure check.

Nagbigay kasiyahan naman ang presentation ng Batangas Police Provincial Office Band at ang pagkanta ni Mayor Dimacuha ng Huwag ka ng Umiyak na siyang theme song ng sikat ng teleseryeng Probinsiyano. Sumayaw din ang police mascot.

Lubos ang pasasalamat ng city police chief na si Pol. Supt. Sancho Celedio sa tagumpay ng naturang okasyon at sa “overwhelming support” hindi lamang ng lokal na pamahalaan gayundin ng ibat-ibang sektor, samahan, institusyon at non-government organizations.

Dumalo at nakiisa din sa pagdiriwang sina PCSupt Marcellano Villafranca ng Office of the Presidential Adviser for Sounthern Tagalog, Coun. Armando Lazarte, SK Federation President Marjorie Manalo at ilang mga barangay officials.(PIO Batangas City)