Oplan Tokhang sa Barangay Wawa isinagawa ng Batangas City PNP

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Ikinasa ng Batangas City PNP ang Oplan Tokhang sa Barangay Wawa ngayong July 13 upang kausapin at pasukuin ang ilang identified drug personalities dito. Ito ay bilang pagtalima ng kapulisan sa maigting na kampanya ng pamahalaang nasyunal laban sa iligal na droga.

Pinangunahan ni Pol/Chief Insp. Apolinario L. Palomeno, chief operations at hepe ng Police Community Relations (PCR) ang naturang operasyon.

Kasama ang pwersa ng kapulisan, mga miyembro ng media at religious organization, nakipag-coordinate ang grupo sa mga opisyales ng nasabing barangay at agad na pinuntahan ang mga taong pakay.

“Sa totoo lang isa ito sa magandang naisip ng ating pamahalaan upang masugpo ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang Tokhang kasi ang ibig sabhin katok at hangyo o pagkausap sa mga gumagamit ng iligal na droga. Hihikayatin sila na sumuko, magbago at maging kapaki-pakinabang muli sa kanilang komunidad,” sabi ni Palomeno.

Ayon pa kay Palomeno, nakatakdang magsagawa ang Philippine National Police (PNP) national headquarters ng validation sa pamamagitan ng ‘re-enactment’ ng tamang paraan ng pagsasagawa ng Oplan Tokhang laban sa ilegal na droga.

Aniya, “mahalaga ang isinasagawang validation upang masiguro na tama ang paraan ng pagpapatupad ng Oplan Tokhang. Ito ay dapat gawin ng mga pulis kasama ang mga miyembro ng media, kasapi ng religious group, at miyembro ng Commission on Human Rights.”

“May tama ring proseso ng pagkausap sa mga drug personality o sa kamag-anak nila. Hindi pwede na bastos at arogante ang paraan ng pagkausap sa kanila. Hindi rin maaari na basta na lamang papasok ang mga pulis sa bahay ng kakausapin. Ito ay upang maprotektahan ang karapatan ng bawat isa,” sabi ni Palomeno.

Ang isasagawang validation ay isa rin sa criteria sa pagpili ng pinakamagaling na provincial police office sa buong Pilipinas.

Ang Batangas Provincial Police (PPO) ay kasama sa Top 3 na Best PPO sa buong bansa.(PIO Batangas City)