Water services ng BCWD ililipat na sa private corporation sa Marso

  1.jpg 2.jpg

Simula March 1, nasa pamamahala na ng Prime Water Corporation ang water services ng Batangas City Water District(BCWD) bunga ng Public Private Partnership(PPP) ng dalawang parties para sa upgrading at rehabilitation ng water system sa lungsod. Ito ang sinabi ng mga kinatawan ng BCWD sa public hearing ng Sangguniang Panlungsod kahapon, February 14, upang maipaalam sa mga tao ang nakapaloob sa joint agreement ng dalawa partikular ang magiging pagtaas ng taripa ng tubig.

Pumasok ang BCWD sa PPP na ito dahilan sa wala itong financial capability na magsagawa ng rehabilitation at upgrading ng water system na kayang pondohan ng Prime Water sa halagang P4.6 bilyon. Isa sa mga gagawing upgrading dito ay ang pagtatayo ng isang septage management facility na wala ang lungsod.

Nagpahayag ng pagtutol ang mga dumalo kagaya ng ilang mga barangay officials sa PPP na ito dahilan sa ibubunga nitong pagtaas ng singil sa tubig. Sa paliwanag ng Prime Water, mula sa minimum na bayad sa tubig na P205.00 kada buwan, walang magiging pagtaas ng taripa sa loob ng 2 taon.

Sa 2018, ang 12% na Value Added Tax (VAT) lamang ang sisingilin sa kanila. Forty-five percent naman ng minimum rate ang idadagdag sa 2023, 25% sa 2028 at flat 15% sa 2033 hanggang sa matapos ang 25 taong agreement.

Ang pagtataas ng taripa anila ay kailangang aprubahan muna ng BCWD at Local Water Utilities Administration (LWUA). Magdadaos ng public consultation kung sakaling magpapatupad ng taas ng singil.

Hinggil naman sa mga empleyado ng BCWD, nangako ang pamunuan ng Prime Water na magbibigay sila ng magandang package para sa mga nagnanais na mag-avail ng early retirement.

“Kung nais naman po nilang ipagpatuloy ang kanilang pagta-trabaho sa Prime, wala naman pong magiging problema. Pwede po silang magtrabaho, ganun pa rin ang sweldo at benepisyong kanilang matatanggap,” sabi ni Atty. Cristina Lilian, legal counsel ng Prime Water.

Inereklamo naman ni City Administrator Atty. Narciso Macarandang ang kawalan ng inisyatibo ng Prime Water at BCWD na magpatawag ng public consultation at ang delay sa pagbibigay ng kopya ng joint venture agreement sa city government upang ito ay mapag-aralan. Kinuwestyon din niya ang ilang “condition precedent” na nakapaloob dito kagaya ng pagpapagamit ng septage management facility na itatayo sa lungsod sa dalawang barangay sa San Pascual kung saan merong water services ang BCWD.

Sinabi naman ni Judge Dominador Isidro Jr ng Office of the Government Counsel na naantala ang pagsusumite nila ng kopya dahil sa isinagawa nilang pagrereview sa agreement, kung ito ba ay naayon sa 2013 revised NEDA Guidelines on PPP.

“Nararamdaman ko po ang hinaing niyo regarding sa public consultation. Subalit kung susundin po talaga ang NEDA guidelines, hindi na po kailangan nito. Kaya po siguro hindi na nagpatawag pa ang dalawang partido ng hearing. Ito po ang magandang pagkakataon na iapela sa NEDA na amyendahan ang kanilang guidelines para sa mga susunod pang PPP,” ani Isidro.

Humarap sa Committee of the Whole na pinamunuan ni Vice Mayor Jun Berberabe sina Engr. Jose Roberto Maranan, Atty. Lani Cepillo-Gonzales ng BCWD at BCWD Manager Yolanda Oyao.

Humingi ng paumanhin si Oyao sa kanilang mga konsumidores dahil aniya sa kakulangan ng kakayahan ng kanilang ahensya na ifinance ang mga pagbabagong kailangang isagawa sa water system. Kailangan aniya ng mga bagong teknolohiya para dito kung kayat kakailanganin nila ang katuwang sa implementasyon nito.

Ipinaliwanag naman ni Gonzales ang konsepto ng PPP at ipinangako ang isang magandang serbisyo sa pagpasok ng BCWD dito. Sinabi din niya na hindi maaapektuhan ng joint agreement ang mga waterworks system sa lungsod.

Hiniling ng spokesperson ng Prime Water na si Romeo Sabater, head ng Business Development, ang tulong ng Sangguniang Panglungsod na makapagpasa ng ordinansa sa pagtatayo ng septage management service subalit binigyang diin na kung sakaling wala pang ordinansa bago mag ika-1 ng Marso ay matutuloy pa rin ang joint agreement..

Sa 36,000 connections na sineserbisyuhan BCWD sa lungsod, 82% dito ang residential at 16% naman ang commercial. (PIO Batangas City)