Matatanda dapat magpa check up agad kapag may problema sa mata

  sightsaving1.jpg sightsaving2.jpg

BATANGAS CITY- Ngayong ipinagdiriwang ang “Sight Saving Month”, pinapayuhan ng mga eksperto ang matatanda na siyang higit na nakakaranas ng problema sa paningin na magpa check up agad kung may nararandaman silang masamang kondisyon sa kanilang mata upang maiwasan ang tuluyang pagkabulag.

Sa lecture ng chief ophthalmologist ng Batangas Medical Center (BATMC) na si Dr. Martin Cabrera sa mga senior citizens sa imbitasyon ng Office of the Senior Citizen Affair (OSCA), sinabi niya na ang isang eye problem ng mga matatanda ay ang Age Related Macular Degeneration na nagdudulot ng panlalabo ng mata kung saan ito ay pwedeng magsimula sa edad na 40 taon pataas. Maaaring hindi na gumaling ang may ganitong kondisyon at tuluyan ng mabulag.

Ayon kay Dr. Cabrera, ang iba pang sanhi ng pagkabulag ay ang katarata, glaucoma at iba pang age-related eye diseases. Maaari itong makuha sa sobrang exposure sa liwanag o sa araw, hindi pagkain ng gulay at iba pang masustansyang pagkain at maaari ring hereditary o namamana.

Ang lecture na ito ay sa pagtutulungan ng BATMC at ng OSCA upang mabigyan ng kaalaman ang mga matatanda kung paano pangangalagaan ang kanilang mata. Binigyan din ang mga ito ng vitamins para sa mata.

Ang tema ng Sight Saving Month ngayon taon ay “Mas Makikita ang Forever Kung Eye Sight ay Better. (PIO Batangas City )