Skills Training para sa Drug Surrenderees, ipinagkakaloob ng TESDA

  TESDA1.jpg TESDA2.jpg TESDA3.jpg TESDA4.jpg TESDA5.jpg TESDA6.jpg

Sa pagdami ng mga drug surrenderees bunga ng mas mahigpit na kampanya laban sa droga, bukas ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Batangas Provincial Office sa pagkakaloob ng mga skills training na makakatulong sa kanilang pagbabagong buhay.

Ito ang ibinahagi ni TESDA Batangas Provincial Director Carlos Flores sa isinagawang Kapihan sa PIA CALABARZON na dinaluhan ng local media sa TESDA Regional Training Center (RTC).

Aniya, ang drug dependents training program ay sa ilalim ng flagship program ng TESDA na Barangay Kasanayan para sa Kabuhayan at Kapayapaan o BKK ni Secretary Guiling Mamondiong na naglalayong maibsan ang kahirapan.

Kailangan lamang na ang mga ito ay ieendorso ng Department of Health (DOH) upang masiguro na mentally prepared ang mga ito.

Sa kasalukuyan ay may 42,000 scholars ang TESDA sa buong bansa ayon sa kanilang isinagawang survey. Lumalabas sa kanilang survey na Tourism ang nangungunang larangan na nais pasukan ng mga respondents. Pumapangalawa dito ang Electronics at ikatlo naman ang General Infrastructure o construction.

Binigyang diin din niya ang pagkakaroon ng maigting na partnership ng TESDA sa ibat-ibang paaralan at institusyon sa lalawigan na nagkakaloob ng vocational/technical courses. May 59 sa 61 sa mga ito ang compliant sa technical audit.

Tumutulong din ang TESDA sa job matching at mayroon din silang job referral program para sa kanilang mga graduates.

Ayon sa kanilang tala, mula Enero hanggang Nobyembre 2016, 54,694 sa kanilang 74,851 graduates o 73% ang mayroon nang trabaho. Mataas ng 10% sa standard rate na 62.1%.

Ang lahat ng training services na ipinagkakaloob ng TESDA ay libre at kailangan lamang na sumulat sa kanilang tanggapan o mag apply online upang mapakinabangan ang mga serbisyong ito. (PIO Batangas City)