Umiwas sa sunog

  1.jpg

Fire Prevention Month na naman ngayong Marso na hudyat na ng pagdating ng tag-init kung saan dumarami ang nagaganap na sunog.

Kaya naman abala ngayon ang Bureau of Fire Protection sa pagsasagawa ng information campaign sa komunidad tungkol sa pag-iwas sa sunog upang maging ligtas ang pamayanan at maiwasan ang pagkawala ng buhay at ari arian.

“Matuto Ka, sunog iwasan na” ang tema ng pagdiriwang.

Bilang kick-off activity, magkakaroon ng motorcade sa Miyerkules, March 4, na inaasahang lalahukan ng humigit kumulang sa 50 establisyimento, barangay, industriya, ospital, paaralan at mga ahensya sa lungsod. Ito ay magmumula sa BFP poblacion substation sa ganap na ala sais ng umaga.

Nauna rito ay nagkaroon ng Regional kick off activity sa lungsod ng Lipa noong March 1 kung saan nagkaroon ng motorcade at unity walk na nilahukan ng mga BFP Personnel sa CALABARZON.

Ayon kay Fire Marshal Elaine Evangelista, kaisa sila ng BFP National Office sa implementasyon ng Oplan Ligtas Pamayanan- kung saan bababa sila sa barangay. Ang bawat BFP personnel ay may assigned barangay kung saan sila ay magcoconduct ng community pre-fire planning program.

“Pupunta kami sa barangay upang magsagawa ng orientation, sasanayin ang mga myembro ng Community Fire Auxilliary Group (CFAG), at assessment ng barangay, magcconduct ng house to house survey upang ma check ang mga maliliit na daanan na hindi mapapasok ng fire truck gayundin ang mga electrical connection at kaayusan ng mga bahay at iba pang mahahalagang dapat tingnan para makaiwas sa sunog,” sabi ni Evangelista.

Mayroon na silang tatlong barangay na for awarding na ng assessment at handbook para sa community pre-fire planning program. Ang mga ito ay barangay Alangilan, Calicanto at Libjo.

Ayon aniya sa direktiba ng DILG, bawat barangay ay kinakailangang magkaroon ng CFAG.

Sa kasalukuyan ay mayroon silang 36 personnel. Lubos ang kanilang pasasalamat kay Mayor Beverley Dimacuha sa pagkakaloob ng 30 fire aide na kanilang makakatulong sa pagpapatupad ng kanilang programa.

Magsasagawa din aniya sila ng Fire Olympics na lalahukan ng mga CFAG ng mga barangay upang mahasa sa ibat-ibang fire- fighting skills at drills.

Muling magkakaroon ng open house sa poblacion sub station kung saan mayroong fire prevention and simulation center. Mayroong smoke evacuation simulation corner upang malaman ang dapat gawin kapag may sunog. Tampok din dito ang ibat-ibang fire and rescue equipment.

Ito ay bukas sa publiko at tinatagubilinan naman ang mga paaralan na magpa schedule ng pagbisita dito.

Sa kasalukuyan ay may 8 fire trucks ang BFP Batangas City. Sa isang linggo aniya ay inaasahan na darating na ang kanilang rescue pick up mula sa kanilang LGU share.

Binigyang diin ni Evangelista na sana ay matuto na ang mga tao at iwasan ang octopus wiring o pagpasak ng maraming gadgets o appliances sa isang extension wire kung saan ang overload ng kuryente ay maaring magdulot ng sunog.. Dapat ding i-unplug ang mga appliances na hindi ginagamit. ilayo ang mga posporo, kandila at lighter sa mga bata upang hindi mapaglaruan, at siguraduhing nakasarado at walang leak ang tangke ng LPG kapag hindi ginagamit. Para naman sa mga establishments, siguraduhin na ang fire protection system ay maayos at nagpa function. (PIO Batangas City)