Kaso ng dengue bumaba ngayong Oktubre

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Bumaba na ang kaso ng dengue sa Batangas City ngayong Oktubre kung saan may 275 ang naging pasyente, mula sa 404 noong Agosto at 486 noong Setyembre ayon sa monthly report ng City Health Office (CHO).

Ayon kay Aileen Cantos, health promotion officer, posibleng tuloy tuloy na ang pagbaba ng bilang ng nagkakasakit sa dengue dahilan sa madalang na pag-ulan kung kayat nababawasan ang mga stagnant water na pinamumugaran ng mga lamok. Doble rin ang pagsisikap ng CHO na maiwasan ang sakit na ito.

Pinapalakas pa ang pagsasagawa ng CHO ng information/education drive sa pamamagitan ng house to house campaign bawat sitio at pagsasagawa ng barangay assembly.

Isa sa mga itinuturo ang 4S Kontra Dengue program ng Department of Health (DOH)- Search and destroy breeding places; Seek early consultation; Self protection measures at Say yes to fogging in times of impending outbreak.

Ginagawa rin ang “‘4 o’clock habit” kagaya ng hanapin o suyurin ang pinamumugaran ng mga lamok at paglilinis bago gumabi na isa sa mabisang paraan para maiwasan ang dengue. Isinagawa ito sa paaralan at sa komunidad.
Ang Sanitary Division naman ay nagsasagawa ng misting o pag-i-spray ng isang solution sa loob at paligid ng bahay upang mapuksa ang mga lamok. Ito ay may bisa na hanggang anim na buwan at ligtas kahit malanghap ng mga tao.

“Patuloy rin ang CHO sa pag-iimbestiga ng mga kaso ng dengue at pinupuntahan naming kung may report na natatanggap mula sa barangay,” dagdag pa ni Cantos.
Prayoridad sa araw-araw na medical consultation sa CHO at mga barangay health centers ang mga pasyenteng may lagnat na isa sa mga simtomas ng dengue.