2019 Regional Gawad Saka’s best cooperative iginawad sa Batangas City

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Tinanghal na Outstanding Farmers Organization sa 2019 Regional Gawad Saka awarding ceremonies ang Sorosoro Multi-Purpose and Allied Services Cooperative ( SMASC) noong ika-25 ng Oktubre sa The Bellevue Manila Grand Ballroom sa Alabang, Muntinlupa City.

Sila ay tumanggap ng plake at cash prize na P 75,000 bilang pagkilala sa kontribusyon ng kanilang grupo sa larangan ng agrikultura sa pamayanang kanilang ginagalawan.

Ayon kay Racquel Manalo, general manager ng SMASC, ang kanilang samahan ay isang community- based organization na nagsimula noong May 31, 1991. Ang kanilang kooperatiba ay engaged sa consumer store, savings and loans, waterworks services at agri-input loans sa corn farmers.

Nagsimula sila sa P 89,000 shared capital at humigit kumulang lamang sa 20 myembro. Sila ngayon ay may 500 members, P 4 million- capitalization at P 10.8-million asset as of December 31, 2018.

Nagpapahiram ang kooperatiba sa kanilang myembro ng 3 times ng kanilang shared capital, payable ng apat na buwan at may interest na 1.5%.

Naniniwala siya na dahil sa magandang liderato ng kanilang chairman na 2017 Gawad Saka Outstanding Corn Farmer na si Filemon Permejo kung kayat sila ang nagkamit ng naturang parangal.

Sinabi ni Permejo na tumatayong chairman ng samahan mula pa noong 2010, “malaking bagay ang kanyang katapatan at ang tiwala ng mga myembro kung kayat napamunuan niya ng maayos ang kooperatiba.”

Lubos ang kasiyahan ng samahan sa karangalang nakamit na hindi nila inaasahan na sila ay magwawagi sa dami anila ng kanilang nakalaban na mlalaking kooperatiba. Taos puso ang pasasalamat nila sa ayudang patuloy na ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod upang mas mapalago at mapaganda ang kanilang ani.

Payo niya sa mga kapwa magsasaka at sa ibang kooperatiba na “magtiyaga at magsumikap sapagkat sipag ang puhunan upang magtagumpay.”

Ayon sa regional director ng Department of Agriculture CALABARZON na si Engr. Arnel de Mesa, layunin ng Gawad Saka na kilalanin ang malaking kontribusyon ng mga magsasaka sa pagiging katuwang ng Kagawaran ng Sakahan sa adhikain nitong mapaunlad ang agrikultura hindi lamang sa rehiyon gayundin sa buong bansa.

Binati niya lahat ng mga nagsipagwagi at hinikayat na patuloy na magsilbing inspirasyon sa kapwa nila magsasaka upang mas maitaas ang antas ng agrikultura.

Binigyang diin naman ni Agricultural Training Institute IV-A Center Director Marites Cosico ang kahalagahan ng papel na ginagampanan ng mga magsasaka. “Nararapat lamang parangalan ang pagsisikap at dedikasyon ng mga magsasaka. Walang pagkain sa bawat mesa kung wala ang mga ito kung kaya marapat lamang saluduhan ang kanilang kontribusyon,” dagdag pa ni Cosico

Ayon sa mensahe ni PCA IV-A OIC-Regional Manager Andrew Edrada, nagbunga ang paghihirap ng mga magsasaka kung kayat nararapat itaguyod ang kanilang kapakanan at bigyan ng “highest degree of appreciation” ang mga ito sa kanilang pagpupunyagi.”

Nakiisa din sa nasabing okasyon ang chairman ng Regional Agriculture and Fisheries Council (RAFC) CALABARZON na si Pedrito Kalaw.

Ginawaran naman ng Certificate of Recognition si Mayor Beverley Rose Dimacuha dahil sa kanyang puspusang pagyakap sa mga adhikain ng Kagawaran ng Pagsasaka gayundin si Office of the City Veterinary and Agricultural Services(OCVAS) chief Dr Macario Hornilla.

Tumanggap din ng sertipiko ng pagkilala ang Agricultural Technician na si Emma Agdon dahil sa patuloy na paggabay, pagtulong at pagtuturo ng mga angkop at makabagong pamamaraan ng pagsasaka na nagresulta ng pagkilala sa nasabing kooperatiba.