Docu film festival tungkol sa adolescent health idinaos

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Sa harap ng dumaraming kaso ng teen pregnancy sa bansa at iba pang problema ng mga kabataaan, nagdaos ng 2nd City Level Adolescent Health and Youth Development (AHYD) 2019 Documentary Film Festival ang Population Commission Division ng City Health Office, na nilahukan ng ilang mga public national high schools sa lungsod.

Layunin ng film festival na ito na mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa reproductive health at responsible adolescence upang maiwasan nila ang mga bagay na magiging hadlang sa kanilang magandang kinabukasan.

Ayon kay Muyette Cunanan, chief ng PopCom, hangad din ng gawaing ito na mai showcase ang talento ng mga kabataan sa pag-arte at film making. “Isa sa pinakamabisang paraan o strategy upang ma educate ang mga kabataan ay sa pamamagitan ng documentary film.”

Pinararating aniya ng tema ng patimpalak-“The Youth and the Demographic Transition”- kung ano ang magiging papel ng mga kabataan upang maabot ang demographic dividend kung saan mas marami ang working force o mga productive kaysa sa mga dependent. ‘Kung mas marami ang productive, mas lalaki ang savings ng bansa na magagamit sa iba pang proyekto upang umangat ang ekonomiya ng bansa,” sabi ni Cunanan.

Hiniling ni City Health Officer Rosanna Barrion ang tulong ng lahat upang matugunan ang teen pregnancy. “Malaking tulong ang pagkakaroon ng barangay health action plan at pagsasagawa ng mga orientation seminar at training sa barangay kung kayat bumaba ang bilang ng teenage pregnancy sa lungsod mula 2017 hanggang 2019.”

Pinuri naman ni Region IV Commission on Population and Development Regional Director Angelito Obcena ang ibayong suportang ipinagkakaloob ng city government sa Philippine population management program na kanilang ipinatutupad.

Isa sa mga prayoridad aniya ni Pangulong Duterte ang implementasyon ng Executive Order No. 12 o yaong “Áttaining and sustaining zero unmet need for modern family planning through the strict implementation of the Responsible Parenthood and Reproductive Health Act”.

Ayon sa mensahe ni OIC Division Schools Superintendent Dr Donato Bueno na ipinaabot sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Dr. Victoria Fababier, chief, Schools Governance and Operations Division, Schools Division of Batangas City, .ang kakulangan ng kaalaman ang isa sa mga dahilan ng paglaganap ng teenage pregnancy na siya naman dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga school drop outs.

Makakaasa aniya ang lokal na pamahalaan na katuwang nila ang Dep Ed sa pagtugon sa teen pregnancy sa pamamagitan ng kanilang mga teenage kiosks at counselling services.

Tinanghal na Best in Trailer ang entry ng Batangas National High School (BANAHIS) na “Yapak sa Buhanginan” habang Best in Poster naman ang “Hibahib”na likha ng mga mag-aaral ng Pinamucan National High School.

Nanalong Best Continuity and Editing, Best Scriptwriting, Best in Audio Use, Best Cinematography, Best in Production Value at Best Direction ang “Nadungisang Pangarap” documentary film ng Sto Nino NHS. Ito ay tungkol sa kapalarang sinapit ng isang batang kabilang sa isang malaking pamilya.

Ayon kay Jordan Chavez, nanalong Best Director na syang nagdirek ng Nadungisang Pangarap, marami silang natutunan sa pagbuo ng nasabing proyekto kung kayat lubos ang kanilang kasiyahan sa kanilang pagkakapanalo at nagpaabot ng pasasalamat sa suportang ipinagkaloob ng kanilang paaralan sa kanilang produksyon.

Kailangan aniya ang pagpaplano ng pamilya upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga katulad niyang kabataan. “Ienjoy muna natin ang pagiging teenager at siguraduhin na magkaroon ng tamang kalaaman upang bumuo ng pamilya sa tamang panahon.”

Sila ang magiging kinatawan ng Batangas sa isasagawang film festival sa rehiyon sa Nobyembre.