P2.23B proposed budget ng Batangas City for 2020 inaprubahan ng SP

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod, October 8, ang proposed Batangas City Annual Budget for Fiscal Year 2020 , na nagkakahalaga ng P2.23 billion.

May pinakamalaking budget ang City Mayor’s Office (CMO) na nakakuha ng P355.5 million para sa personnel services, maintenance and other operating expenses, capital outlay at financial expenses. Mayroong 13 divisions sa ilalim ng CMO. May P456.2 million budget naman para sa programs at projects ng lungsod.

Ang sunod na may pinakamataas na budget ay ang City Health Office-P152.7 million, Office of the General Services-P106.6 million, Office of the City Engineer-P99.9 million at Office of the Sangguniang Panlungsod-P79.9 million.

Nakasaad rin dito ang Special Purpose Appropriation kung saan nakalagay ang subsidies sa national government at non government organizations/people’s organizations; aid sa barangay, Boy Scout at Liga ng Barangay; loans/interest payable, Gender Development Program, LDRRMF at 20% Development Fund na may kabuuang budget na P495.9 million.

Isa rin sa pinaglaanan ng budget para sa susunod na taon ay ang pabahay para sa mga empleyado ng Batangas City Government. May inisyal na P10 milyong pondo ang inilaan dito upang masimulan ang naturang proyekto.

Nagkaroon ng dalawang araw na committee hearing ang Committee on Appropriations upang talakayin ang nilalaman ng proposed annual budget.

Sinabi ni Konsehal Alyssa Cruz-Atienza, chairman ng nabanggit na komitiba, na bagaman mabilis ang pagkakapasa ng budget, siniguro naman nila na maayos ito at hindi minadali.

“Malaki po ang pagkakaiba ng mabilis sa minadali. Nagkataon lamang po na kumpleto ang mga records at dokumento, kumpleto ang mga konsehales at mga ahensyang may kinalaman sa annual budget kaya mabilis po ang naging proseso at mabilis din nating naipasa ang ordinansa,” sabi niya.

Idinagdag pa ni Cruz-Atienza na lahat ng suhestyon at katanungan ng mga myembro ng konseho ay pawang sa “ikagaganda ng ordinansa at walang grandstanding na nangyari. Naipaliwanag din ng maayos at malinaw ng mga concerned offices at department ang tungkol sa annual budget.”