Eat Pinoy Pork campaign inilunsad

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Upang patunayan na ligtas kumain ng karneng baboy, nagdaos ng lechon boodle fight na tinaguriang Porktober Fest: Eat Pinoy Pork ang mga stakeholders sa livestock industry sa Batangas City kung saan halos 400 katao ang lumahok sa ground ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services.

Ito ay sa pangunguna nila AGAP Partylist Rep. Rico Geron, Mayor Beverley Rose Dimacuha, Vice Mayor June Berberabe, iba pang city officials, Department of Agriculture Regional Executive Director for Region 1V-A Arnel de Mesa, provincial veterinarians, OCVAS head Dr. Macario Horilla at iba pang stakeholders.

Ito ay isang inisyatibo at kampanya ng Sorosoro Ibaba Development Cooperative (SIDC) sa pakikipagtulungan sa pamahalaang lungsod at sa iba pang players sa livestock industry na naglalayong kumbinsihin at bigyang kaalaman ang tao na hindi dapat matakot na kumain ng karne ng baboy sa harap ng African swine fever (Asf) sapagkat hindi ito nakakaapekto sa kalusugan ng mga tao. .

Bago ang boodle fight, isang motorcade ang isinagawa mula sa Hypermart sa Balagtas papuntang loob ng poblacion kung saan namigay ang mga participants ng lechon sa mga tao.

Ayon kay Congressman Rico Geron na siya ring CEO ng SIDC, “ninakaw ng ASF ang income ng mga mag-aalaga ng baboy. Talagang walang income. Hindi na nila maipagbili sa presyong gusto nila, mababa pa ang demand sa merkado. Kayat wala na silang kinikita, natatakot pa sila na baka mawala ang kanilang kabuhayan. Dahil dito, lubos ang kanilang pag-iingat at pag-iwas upang huwag tamaan nito ang kanilang mga alagang baboy.”

“Layunin natin na i-promote and pork bilang very good source of protein at sinisiguro ng lokal na pamahalaaan na safe ang ibinebentang karne sa palengke kaya’t hindi dapat mabahala ang mga tao,” dagdag pa ni Geron.

Sinabi rin niya na kapag nanatiling libre sa ASF ang Batangas City, maaring ang krisis na ito ay maging oportunidad upang ang lngsod ay maging pinakamalaking supplier ng baboy sa rehiyon.

Ang lungsod aniya ang pinakamalaking producer ng baboy sa probinsiya.

Sa ilalim ng contract growing scheme ng SIDCI, may 30,000-50,000 baboy aniya ang naiiproduce nito kada taon habang 500,000 naman ang naiiproduce ng kanilang mga miyembro.

Nakikiusap din si Geron at iba pang lider ng livetstock industry sa media na iwasan ang pagbabalita sa paraang magdudulot ng takot sa mga tao na bumili at kumain ng karneng baboy.

Sa pinakahuling ulat, wala pang kaso ng African Swine Fever (ASF) ang naitala sa Batangas City ayon kay Dr Hornilla.

“Walang dapat ikabahala ang mga consumers dahil walang magiging epekto kung sakaling makakain ang isang tao ng baboy na may sakit na ito,” sabi ni City Health Officer Dr. Rosanna Barrion.

Binigyang diin naman ni Mayor Dimacuha na sana ay patuloy na magtiwala ang mga consumers at mga magtitinda sa mga kinauukulan na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang hindi maapektuhan ng naturang krisis ang pagbababuyan sa lungsod.

Patuloy pa din ang lokal na pamahalaan sa implementasyon ng strict biosecurity kung saan kailangang panatilihin ang kalinisan sa lugar at palagiang idisinfect ang kulungan ng mga baboy, ang sasakyan at mga kagamitan gayundin ang check points sa mga nagbi-biyahe ng baboy palabas at papasok ng Batangas.