Employment opportunities sa mga PWDs layunin ng proposed ordinance

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Tinalakay sa committee hearing ng Sangguniang Panglungsod, October 1, ang panukalang “An Ordinance Providing Comprehensive Employment and Livelihood Opportunities for Persons With Disability (PWD)” na inakda ni Konsehal Aileen Arriola Montalbo upang maiangat ang kalidad ng buhay ng mga PWDs at maging produktibo silang miyembro ng komunidad.

Dumalo sa committee hearing sina Public Employment and Service Office (PESO) chief Noel Silang, City Social Welfare and Development Office (CSWD) head Mila Espanola, PWD Federation President Welson Barte, TESDA representative Mila Antonio, Department of Labor and Employment (DOLE) representative Jonalyn Rabido at kinatawan ng ilang konsernadong ahensya at kumpanya.

Ayon kay Konsehal Montalbo, ang ordinansa ay alinsunod sa Republic Act 7277 at RA 10524 na pawang nagbibigay ng proteksyon sa kapakanan ng mga taong may kapansanan sa bansa.

“Halos lahat po ng probisyon ng ordinansa ay hinango natin sa nabanggit na mga national law at ang ginawa lamang po natin ay ni-localize lamang po natin yung ibang parte ng ordinance,” sabi ni Montalbo

Isa sa probisyon ng ordinansa ay ang paghirang ng humigit-kumulang sa 5% sa lahat ng casual, emergency, contractual at job order na empleyadong may kapansanan subalit may kakayahan sa tanggapan ng CSWD, City Health Office, Department of Education at mga ahensiyang may kaugnayan sa social development.

Sa ibang departamento ng gobyerno, at least 1% ng buong bilang ng empleyado ang naka-reserve sa mga PWDs.

Sa pribadong kumpanya naman, hinihikayat ng ordinansa na mag-hire ang mga ito ng 1% na kwalipikadong PWDs sa mga posisyong kaya nilang gampanan.

Inaatasan ng ordinansa ang CSWDO na makipag-ugnayan sa Bureau of Internal Revenue (BIR) upang masiguro na mayroong karampatang tax incentives ang mga PWDs. Sila rin ang mag-oorganisa ng mga seminar at training sessions upang ma-educate ang mga may kapansanan sa 25% annual deduction sa kanilang gross income. Ang CSWDO ang responsible agency na tutulong sa PWDs upang magkaroon sila ng trabaho.

Umani naman ng suporta ang panukalang ordinansa sa mga dumalong pinuno ng kanilang tanggapan.

Ayon kay Noel Silang “maganda ang ordinansa kung ito ay maipapatupad ng maayos. Kailangang magkaroon ng skill mapping ang mga PWDs upang malaman nila kung saan sila pwedeng i-refer na kompanya.”

Ayon naman kay Jonalyn Rabido ng DOLE, ‘kailangan ding ma-maximize ang iba pang PWD organizations sa lungsod upang maipaliwanag ang ordinansa at malaman kung ano-ano ang mga kaya nilang gawin.

Mayroong 4,888 na rehistradong miyembro ng PWDs sa lungsod ayon sa CSWDO.