Road clearing sa Batangas City mahigit 90% na

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Mahigit 90% na ang road clearing operation na naisagawa sa Batangas City mula ng ipalabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Memorandum Circular 2019-121 nito noong July 29, 2019 kung saan ipinag-uutos sa lahat ng local government units sa buong bansa na alisin ang lahat ng mga sagabal sa trapiko sa kanilang lugar sa loob ng 60 araw.

Unang isinagawa ng road clearing team na binubuo ng TDRO, DSS at Batangas City Police ang kanilang operasyon sa dalawang palengke kung saan inalis ang mga sidewalk vendors at mga istraktura na nakahambalang sa daan
Sa poblacion, malinis na ang mga major

streets ng P. Burgos, Rizal Avenue, D. Silang at iba pang kalye dito. Ipinasok sa mga tindahan at itinabi ng barangay ang mga halaman na nasa pathways.

Sinuyod ang mga national highways mula Calicanto, Bolbok hanggang Sta. Rita at Kumintang hanggang Balagtas kung saan binaklas ang mga tindahang nasa daanan ng mga pedestrians at sinita ang mga may-ari ng illegally parked vehicles.

Inilipat na sa grand Terminal ang pila ng mga jeep na byaheng Lipa at Lemery at inihahanda na rin ang iba pang byahe. Nakatakda namang ilipat ang terminal ng mga tricycle na nakakapagpasikip ng daan.

Kung dati ay puno ng sasakyan ang harapan ng police station, ngayon, ito ay malinis na habang limitado na ang bilang ng sasakyang pinapayagang pumarada sa paligid ng Plaza Mabini at mahigpit na ipinagbabawal ang double parking dito.

Nagkusa na ring umalis ang mga magtitinda na nasa may Batangas Medical Center matapos makipag-usap sa kanila ang clearing team.

Upang matugunan ang problema sa kakulangan sa parking area sa City Hall, magpapagawa ang city government ng three-level parking building sa may Sanguniang Panlungsod parking area para sa mga may transaksyon at empleyado sa City Hall.

Mayroon ding mga rekomendasyon ang clearing team sa dalawang paaralan upang makatulong sa traffic decongestion sa kanilang area. Isa rito ay ang rekomendasyon sa St. Bridget College na magbuo ng mas maayos na sistema sa paghahatid at pagsundo sa mga estudyante nila upang maibsan ang bottleneck sa M.H del Pilar at mga kadugtong na kalye. Iminumungkahi naman sa Department of Education na magkaroon ng magkakaibang oras ng uwian ng mga mag-aaral ng Batangas National High School na may malaking student population upang hindi sabay sabay ang paglabas ng mga ito na nagiging dahilan ng pagsisikip sa Rizal Avenue at iba pang kalye. (PIO Batangas City)