Sing Philippines Youth Choir ng CCP nagtanghal sa lungsod

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Isang choir mula sa Cultural Center of the Philippines (CCP) ang nagtanghal ng libre sa Batangas City kung saan sa pamamagitan ng kanilang mga awitin ay napapalaganap nila ang pananampalataya sa Diyos, pagmamahal sa kapwa at pagiging makabayan.

Ito ay ang Sing Philippines Youth Choir ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na nagtanghal sa lungsod mula August 20-25, bilang bahagi ng Regional Music Camp Performances project ng Cultural Exchange Department ng CCP.

Unang nagtanghal ang choir sa Batangas City East Elementary School kung saan pinangunahan nila ang pag-awit ng Lupang Hinirang sa flag ceremony dito. Inawit din nila ang ilang awiting pambata kagaya ng “Ako ay may Lobo” at “Bubuka ang Bulaklak.”

Sunod silang nagtanghal sa barangay Ilijan Sports Complex na pinanood ng mga elementary at high school students ng mga paaralan sa Solid Baybay. Kabilang sa kanilang repertoire ay ang mga traditional o spiritual songs tulad ng “Umawit kayo sa Panginoon,” Avinu na Ama Namin sa salitang Hebreo at iba pa.

Umawit din sila ng mga awiting mula sa iba’t ibang rehiyon kagaya ng “Ako ay may Lobo” mula sa Southern Tagalog; “Dikdikan” mula sa Mindanao at “Alibangbang” ng Visaya.

Kinagiliwan naman ng mga mag-aaral ang mga sikat na awiting ginawan nila ng orihinal na areglo tulad ng “Ikaw ang Aking Pangarap” ni Gary Valenciano, “Iisang Bangka”, ng The Dawn at ang “Imagine” ng Beatles.

Nag concert din ang choir sa Batangas City Convention Center para naman sa mga mag-aaral ng mga paaralan at kolehiyo na nasa urban barangays.

Ang Sing Philippines Youth Choir ay binubuo ng may 38 miyembro na may edad 18 hanggang 36 taong gulang at kinabibilangan ng mga mag-aaral sa kolehiyo, mga guro at empleyado sa iba’t ibang ahensya. Ang mga ito ay mula sa 17 rehiyon sa bansa.

Ang choir na may tatlong batches ay binuo noong 2014 at ang kanilang conductor ay si Mark Anthony Carpio. (PIO Batangas City)