Isang driver at bata na nagpapakita ng magandang ehemplo kinilala

  1.jpg 2.jpg

Dalawang ordinaryong mamamayan na nagpapakita ng magandang ehemplo ang ginawaran ng Certificate of Commendation ng pamahalaang lungsod ng Batangas , August 27.

Iniabot ni Secretary to the City Mayor Atty. Reginald Dimacuha ang nasabing sertipiko sa driver na si Adonis Endrinal, 44, mula sa barangay Alangilan at sa 10 taong gulang na si Ruella Medina ng Gawad Kalinga Village sa barangay San Pedro.

Para kay Endrinal na 10 taon ng jeepney driver sa byaheng Bauan-Batangas. isang paraan ng kanyang pagmamalasakit sa kapwa ang magbigay ng libreng sakay sa mga senior citizens at persons with disability bagamat kabawasan ito sa kanyang kita, sa halip na 20% discount lamang na siyang ipinag-uutos ng batas. Libre din sa kanya ang mga buntis.

Ayon sa sertipiko, isang magandang ehemplo si Endrinal sa kapwa niya driver sapagkat binibigyan nya ng pagpapahalaga ang nabanggit na sektor na lipunan, na sumasakay sa kaniyang jeep. Noong Disyembre 2018 niya ito sinimulan at nangako siya na itutuloy-tuloy niya ang gawaing ito habang siya ay isang driver.

Kinilala ang katapatan ni Ruella, Grade 5 student ng Melecio Arceo Elem School (MAMES) sapagkat sa kabila ng pagiging salat ay isinauli niya ang napulot na wallet na may lamang P 2000 noong July 29 na pagmamay ari ng magulang ng isa sa mga mag-aaral doon na si Precious Gay Magtibay.

Siya ay bunso sa limang magkakapatid kung saan ang kanyang ama ay pumanaw na at ang kanyang ina naman ay walang trabaho. Sinusuportahan sila ngayon ng kanyang stepfather na isang laborer.

Tig-isa silang binigyan ng monetary incentive na P5,000 ng pamahalaang lungsod.