Senior citizens nakinabang sa medical mission

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

BATANGAS CITY- May 700 senior citizens ang nakinabang sa libreng medical mission na itinaguyod ng Office of the Senior Citizen Association (OSCA) at ng City Council for the Elderly (CCE), katulong ang mga partners nito, na ginanap sa Plaza Mabini, Agosto 20.

Ayon kay Flory Antenor presidente ng OSCA, mahalaga sa mga matanda ang sumailalim ng check-up at mabigyan ng kaalaman at gamot sa kanilang sakit. Payo din niya sa mga matanda na manatiling aktibo upang hindi maging stagnant ang kanilang katawan at pag-iisip.

Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ay ang digital rectal examination para sa deteksyon ng prostate cancer, ECG, FBS/RBS screening, eye consultation at dental services. Nagkaroon din ng forum sa erectile dysfunction. May mga internist, nephrologist, cardiologist at endocrinologist na nag eksamen sa mga elderly.

Lumahok din ang ilang medical personnel ng St Camillus Hospital, City Health Office at mga doktor na dala ng Lions Club International.

Naging katuwang rin ng OSCA sa gawaing ito ang Lons Club District 301-A2 Region, City Health Office, Office of the City Vice Mayor, Asahi Batangas, CSDWO, Councilors Oliver Macatangay, Junjun Gamboa, Nelson Chavez at Emperors Tea at Diabetesol.

Isa sa mga nakinabang sa gawaing ito ay si Lola Coring ng barangay Dalig. Maaga pa siyang pumila upang ipa check up ang kanyang goiter “Malaking tulong ito sa akin dahil matagal ko ng gusto mapatingnan ito kaya natutuwa ako dahil may doctor na titingin sa akin, minsan lamang ang ganitong gawain kaya mag papa checkup na rin ako sa puso at gout pati ang aking mata ay patitingnan ko rin at iba pa upang malaman ko kung anong mga gamot ang dapat kong inumin,” sabi ni Lola Coring.

Nagpasalamat naman ang OSCA sa city government at mga ahensiya na naging katuwang sa nasabing medical mission para sa kapakanan at kalusugan ng mga senior citizens.(PIO Batangas City)