Micro chipping ng aso bilang identification isinasagawa ng OCVAS

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

Nagsasagawa ng electronic micro chipping ng mga aso ang Office of the City Veterinary and Agricultural Service (OCVAS) simula ngayon, August 16, sa kanilang opisina upang magsilbing identification o pagkakakilanlan ng mga aso.

May 20 aso ang kanilang nalagyan ng micro chips ngayong araw na ito.

Ayon sa hepe ng Livestock Division ng nasabing tanggapan na si Dr Flor Abe, ang microchip ay iniimplant sa ilalim ng balat ng aso na may numero na mababasa ng isang scanner. Ang microchip number ay recorded sa microchip database registry na naglalaman ng detalye tungkol sa aso at sa may-ari nito. “Ang chip na yun ang magiging lifetime identity ng aso,” sabi niya.

Naglalaman din ito ng mahalagang impormasyon tulad ng record ng bakuna ng alagang aso. “Maaaring iremind sa pamamagitan ng text o email ang may-ari kung kailangan nang muling pabakunahan ito”. Ito din aniya ang solusyon upang malaman kung sino ang may-ari ng aso sakaling mawala ito o may mag-angkin na ibang tao.

Ang paglalagay o pag-iinject ng microchip ay libreng isinasagawa ng mga beterinaryo ng OCVAS. Kailangan lamang bayaran ang microchip na nagkakahalaga ng P 250.00 kumpara sa iba kung saan ito ay nagkakahalaga ng P1,000. Maaaring magsadya sa kanilang tanggapan ang mga nagnanais magpalagay nito.

Lubos ang pasasalamat ng mga dog owners na tulad ni Genevieve De Villa ng barangay Malitam sa proyektong ito ng OCVAS na aniya ay malaking tulong sa kanila at malaking tipid dahil sa malaking diperensya ng presyo nito sa mga private veterinarians.

Ipinapayo ni Dr Abe ang responsible pet ownership. Bigyan aniya ng tamang pangangalaga ang mga aso sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang pagkain, pagpapabakuna laban sa rabies at pagtatali sa mga ito upang hindi sila gumala sapagkat ang mga asong gala ang malimit magkaroon ng rabies.

Patuloy aniya ang kanilang tanggapan sa pagmomonitor at panghuhuli ng mga asopng gala sa ibat-ibang barangay.