Cum laude ng CLB, isa pang kwento ng tagumpay laban sa kahirapan

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

“Kung gusto mong lumipad ng mataas at makarating sa malayo, bitawan mo ang mga bagay na nakakapagpabigat sa iyo tulad ng pressure at ang mga negatibong sinasabi ng iba.”

Ito ang mensahe ni Lou Karren Morales Amorganda, isa sa anim na nagtapos na cum laude sa 12th Commencement Execises ng Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB) ngayong June 14 sa Batangas City Convention Center. Siya ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Elementary Education (BEED) at siya ring rank 1 sa 277 graduates ngayong taon.

Si Karren ay 24 na taong gulang, mula sa barangay San Jose Sico. Bunso at tanging babae sa limang magkakapatid, siya din lamang ang nakapagtapos ng kolehiyo sa mga ito.

Namatay ang kanyang amang si Mang Vicente dahil sa kidney failure noong 2004 kung kayat ang kanyang ina na si Aling Teresa ang nagtaguyod sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda ng mga pagkaing pam pasalubong sa stall ng kanyang tiyahin sa pier.

Pagka graduate niya ng high school kung saan siya ay naging salutatorian, tumigil siya ng tatlong taon dahil sa hirap ng buhay.

Nais sana ni Karren na maging accountant subalit dahilan sa kakulangang pinansyal, nag apply siya bilang scholar sa CLB at kumuha ng kursong Education.

Lubos ang kanyang pasasalamat sa CLB na itinatag ni dating Mayor Eduardo Dimacuha na ipinagpapatuloy naman ni Mayor Beverley Dimacuha sapagkat sa apat na taon aniya ng pag-aaral sa CLB, pamasahe lamang ang kanyang kinailangang gastusin sa araw araw.

“Dati po, kapag kailangang gumawa ng project, wala po akong laptop, wala din po akong pambayad sa computer shop pero sa CLB, kumpleto ang pasilidad nila para sa aming mga estudyante,” sabi ni Karren.
“Hindi ko inexpect na maging cum laude at makakakuha ng highest honor kaya sobra sobra po ang pasasalamat ko sa Diyos.”

“Hindi po ako kumakain ng tanghalian mula 1st year hanggang 4th year dahil sa pagtittipid ko sa aking baon, hindi po kasi ako nakakasiguro na may babaunin ako sa araw araw. Sa library po ako tumatambay at sa halip na kumain ay nag-aaral na lamang po ako o gumagawa ng assignment,” dagdag pa ni Karren.

Ayon sa kanya, mas lalo niyang nakilala ang kanyang sarili dahil sa kanyang mga naging guro sa CLB. “Mahiyain po ako at walang self confidence. Tumatak po sa akin ang palagi nilang sinasabi na hindi pwede ang pwede na, dapat pwedeng pwede dahil tatak CLB.”

Sa kanyang farewell address sa graduation ceremony, binigyang diin niya na ang tatlong letrang CLB ay nangangahulugan ng courage o tapang na mapaglabanan ang hamon ng buhay, love ng pamilya, kaibigan at kapwa at blessed na makapagtapos ng pag-aaral.

“Hindi pa po huli ang lahat partikular sa mga tumigil sa pag-aaral tulad ko, magsikap at magtyaga kayo upang maabot din ninyo ang inyong pangarap tulad ko,” payo niya.

Umaasa si Karren na mas marami pang kapuspalad na kabataan na nais makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang kinabukasan ang matutulungan ng CLB at ng pamahalaang lungsod.

"Ang tagumpay para sa akin ay ang masuklian ko ang paghihirap ng aking ina. Nais kong magkaroon ng trabaho at mapatigil na sya sa paghahanapbuhay. "

Pagkatapos ng graduation, magfofocus muna si Karren sa pagrereview para sa Licensure Exam for Teachers (LET) sa September 29. Nais niya na makapagturo sa public elementary school na malapit lamang sa kanilang lugar upang hindi na mamasahe pa.