Mga kabataan, may summer jobs sa city government

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Nagsimula na ngayong araw na ito, May 6, ang may 100 kabataang Special Program for Employment of Students (SPES) grantees sa 20 araw na summer jobs sa iba’t ibang departamento ng pamahalang lungsod ng Batangas. Layunin nito na mabigyan ng pagkakataong makapaghanapbuhay ang mga mag-aaral at out of school youth ngayong bakasyon lalo na yaong hirap makapag-aral dahilan sa kakulangang pinansyal.

Ayon kay Public Employment Service Office Manager (PESO) Noel Silang na siyang namamahala sa nasabing programa, isa ang Batangas City na kinikilala ng Department of Labor and Employment sapagkat marami ditong estudyanteng nabibigyan ng trabaho tuwing summer vacation.

“Hindi lang ito nagsisilbing work experience sa mga estudyante kundi nakakatulong din ng malaki sa kanilang mga gastusin sa pagbubukas ng klase,” sabi niya.

May 75 bagong grantees habang 25 slots naman para sa mga dating SPES grantees.

Bukod sa masusing panayam ng DOLE, sumailalim ang mga grantees sa SPES Qualifying Exam na pinapangasiwaan ng PESO. Nagkaroon sila ng orientation noong May 3.

Ang second batch ng 100 kabataang grantees ay sa Hunyo naman magsisimula.

Sila ay tatanggap ng sweldo ng salary grade one employee kung saan 40% ng kanilang sweldo ay manggagaling sa DOLE at 60% naman ay sa pamahalaang lungsod.(PIO Batangas City)