Inagurasyon ng 3rd Calumpang Bridge ipinagbunyi

  1.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg

BATANGAS CITY-Naging isang masayang pagdiriwang ang inagurasyon ng 3rd Calumpang Bridge na pinangalanang EBD Bridge of Progress bilang legacy ni dating Mayor Eduardo Dimacuha na siyang nangarap at nagbigay daan sa proyektong ito upang magkaroon ng isang maganda at matibay na tulay na makakabawas sa trapiko sa lungsod.

Ang P338-million EBD Bridge of Progress na bumabagtas mula sa Sitio Ferry Kumintang Ibaba , Calumpang River hanggang Gulod Labac ay itinuturing na kaunaunahang box girder type superstructrure-design bridge sa bansa at idinisenyo upang makayanan ang pinakamalakas na bagyo o lindol. Ito ay may habang 140 metro, 100 metro sa bawat approach at 15 metro ang lapad. Mayroon din itong bike lanes sa magkabilang tabi.

Sinimulan ang inagurasyon ngayong April 30 sa pamamagitan ng Banal na Misa ganap na 4:30 ng hapon sa may Sitio Ferry kung saan naging Mass celebrant si Msgr. Rafael Oriondo . Pagkatapos nito ay naglakad ang mga tao sa tulay habang ito ay binabasbasan ng parish priest ng Basilica of the Immaculate Conception na si Fr. Aurelio Dimaapi hanggang sa dulo nito sa Gulod Labac sa pangunguna ni Mayor Beverley Dimacuha, Congressman Marvey Mariño, Team EBD at iba pang opisyales ng lungsod.

Sa kanyang mensahe , sinariwa ni Mayor Beverley ang pagkasira ng dalawang mahahalagang tulay sa sentro ng lungsod dala ng malalakas na bagyo- ang Bridge of Promise at Calumpang Bridge- na nagdulot ng hirap at perwisyo at nakaapekto sa ekonomiya ng lungsod. Ito aniya ang nagtulak kay dating Mayor Eddie na magpagawa ng ikatlong tulay upang hindi na mangyari pa ang ganitong epekto ng kalamidad sa buhay ng mga mamamayan.

“Hayaan po ninyong ipaabot ko sa inyo ang aking lubos na kagalakan sapagkat ngayon lamang po, sa buong kasaysayan ng lungsod ng Batangas, magkakaroon ng tatlong tulay na mag-ugnay sa dalawang pampang ng Calumpang River,” sabi ng Mayor.

Sinabi naman ni Cong. Mariño sa unveiling ng marker na ang “tulay na ito ang magpapatuloy ng progreso para sa lungsod ng Batangas.”

Isang pagtatanghal naman ng mga local bands at dalawang kilalang banda na 6 Cycle Mind at Sandwich ang nagbigay aliw sa mga dumalo sa masayang kaganapan.

Bubuksan ang tulay sa mga pribadong sasakyan muna sa May 1. Bawal ding dumaan dito ang mga truck at iba pang malalaking sasakyan.

Ayon kay Engr. Francis Beredo, city government asst. dept. head 1 ng Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) magkakaroon muna ng isang linggong “dry run” bago padaanin dito ang mga public utility vehicles. Angela J. Banuelos PIO