Rabies awareness campaign isinagawa sa barangay

  1.jpg 10.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

BATANGAS CITY- Nagdaos ng rabies awareness campaign ang City Health Office (CHO) at anti rabies vaccination ng mahigit 100 aso at pusa ang Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) sa barangay Kumintang Ilaya, March 26.

Ito ay bahagi ng paggunita ng Rabies Awareness Month na may temang “Makiisa sa barangayan kontra rabies, maging responsableng pet owners!”

Ayon kay Dr. Nino Calingasan ng CHO, itinuturing ang rabies na isang “public health problem” dahil maraming Filipino ang namamatay dahil dito. Wala pa naman aniyang naitala o datos ang lungsod na may namatay sa kaso ng rabies.

Binigyang diin naman ng OCVAS na maaaring mapigilan ang rabies kung magiging responsable ang mga pet owners sa pamamagitan ng pagpapabakuna sa mga alaga nilang mga hayop partikular ang aso o pusa.
Ang rabies ay isang “mapanganib na sakit na inaatake ang utak at sanhi ng mikrobyo na nakukuha sa laway ng hayop na may Rabies, karaniwan ay aso at pusa. Sa kasalukuyan, wala pa itong lunas lalo na kapag kumalat ang infection sa katawan ng tao.

Kabilang sa mga sintomas ng rabies infection ay ang lagnat o pananakit ng ulo, pananakit o pamamanhid ng bahagi ng katawan na kinagat ng hayop, at deliryo at pagkaparalisa.

Sintomas din ng rabies infection ang pamumulikat ng mga kalamnan, gayundin ang "pagkatakot" sa hangin at tubig.
Ipinaliwanang ni Dr. Calingasan na mahalaga ang first aid o paunang lunas kapag nakalmot o nakagat ng hayop na maaring may rabies. Dapat hugasan ang sugat gamit ang sabon at dumadaloy na tubig sa loob ng 10-15 na minuto. Pahiran pagkatapos ng betadine , alcohol o kung ano ang antiseptic solution ang sugat. Mahalaga ring magpabakuna kaagad sa doktor, at kinakailangang maobserbahan ang hayop.

Kung hindi alagang hayop ang nakakagat o nakakalmot, mahalagang maipahuli ito upang maobserbahan.
Paalala rin ng OCVAS sa mga may alagang hayop na pabakunahan ang mga ito mula sa ikatlong buwan mula kapanganakan at taon taon pagkatapos nito.
Huwag rin umanong hayaang gumala ang mga alagang hayop sa kalsada at alagaang mabuti ang mga ito sa pamamagitan ng pagpapaligo, pagbibigay ng malinis na pagkain, at maayos na matutulugan.

Ang mga taong nakagat ng aso o pusa ay kailangang pumunta sa pinakamalapit na animal bite center upang maagapan o maturukan ng gamot kontra rabies. (PIO Batangas City)