Paaralan lumahok sa pagdiriwang ng National Arts Month

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 18.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Itinanghal ng mga dance groups mula sa iba’t ibang paaralan sa lungsod ang makulay na sining at kultura ng iba’t ibang rehiyon sa bansa, maging ang mga maka-kanlurang impluwensya dito sa pamamagitan ng mga sayaw sa pagdiriwang ng National Arts Month 2019 sa lungsod ng Batangas.
Ang selebrasyon na may temang Puso… Sining.. Kalinga Caring for the Arts, Caring for the Artist ay idinaos noong March 2 sa Batangas City Sports Coliseum.

Ipinamalas ng Likhang Batangan Dance Troupe ng Lyceum of the Philippines University Batangas ang mga sayaw mula sa Kabundukan ng Cordillera sa kanilang Igorot dances.

Hango naman sa mga likhang sayaw ng National Artist na si Lucrecia Reyes Urtula ang itinanghal ng Likhang Sining Dance Company ng Marian Learning Center and Science High School. Kabilang sa kanilang mga sinayaw ang Danza, Pasadoble, Pitik Mingaw at Jota Intramurenia.

Kulay Sining Mindanao o Muslim dances ang itinanghal ng Indak Bambino ng Casa del Bambino Emmanuel Montessori.

Ipinakita ng Diwanis Dance Theater ng Batangas State University sa kanilang rural dances ang masayang pagdiriwang ng Pista ng mga Pilipino. Kasama sa kanilang mga sinayaw ang tinikling, modern subli at iba pa.

Ang mga nagtanghal na grupo ay pawang mga kinikilala na sa larangan ng sining. Ilan dito ay nakapagtanghal at nanalo na rin sa national at international dance competitions.

Ang taunang pakikiisa ng Batangas City sa pagdiriwang National Arts Month ay bahagi pa rin ng layunin nitong mapanatiling buhay ang sining at kulturang Filipino at malinang ang talento ng mga kabataang Batangueño sa anumang uri ng sining.

Bilang Center of the Culture and Arts sa rehiyon, kaisa ang lungsod ng Batangas ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Cultural Center of the Philippines at iba pang ahensya sa pagsusulong at pagpapaunlad ng kulturang sariling atin.