Batangueño student kinilala sa kanyang artikulo sa climate change

  1.jpg

Ginawaran ng pagkilala ng Sangguniang Panglungsod sa session nito, February 26, ang estudyante ng isang unibersidad sa Batangas City sa karangalang kaniyang natanggap bilang Best Position Paper Awardee dahilan sa kanyang tinalakay sa paglaban sa climate change sa isang international forum- ang Asia World Model United Nations (AWMUN) na ginanap sa Bangkok, Thailand kamakailan.

Sa pamamagitan ng resolusyon na akda ni Konsehal Nestor Dimacuha, binigyan ng certificate of recognition si Deignielle Bert D. Arellano, BS Medical Laboratory student ng Lyceum of the Philippines University Batangas

Sa 1,300 delegado mula sa buong mundo, napili bilang Best Position Paper ang ginawa ni
Arellano.

Ayon sa resolusyon, tinalakay sa kaniyang position paper ang mga issues ng climate change na isang napapanahong usapin. Inihayag ni Arellano na ang paglaban sa climate change ay isang tuloy-tuloy na tungkulin at obligasyon ng lahat. Ito ay hindi maiipanalo kung hindi magkakaisa ang mga bansa na ito ay labanan at maiwasan.

Nakapaloob din sa resolusyon na ang mensahe ni Arellano ay naglalayong maturuan at buksan ang kamalayan ng mga tao sa buong mundo na ma-empower sila na tumulong at gawin ang kanilang papel na maibsan ang epekto ng mapanirang climate change.

“Ang kaniyang paglahok at pagwawagi ay nagpapakita sa buong mundo na ang mga Pilipino lalo’t higit ang mga Batangenyo ay handa at determinado upang tuluyang mapagtagumpayan ang matagal nang laban sa climate change,” sabi ni Councilor Dimacuha.