EBD Health Card awtomatiko na ang renewal

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

May upgraded features ang bagong EBD Health card ID kung saan awtomatiko na ang renewal nito upang hindi na kailangang i-renew ng cardholder taun-taon at magamit nang tuloy- tuloy ang mga benepisyo nito.

Ang bagong EBD Health card ID ay gawa sa PVC type-laminated ID na mas matibay, hindi natutupi at hindi rin nababasa. Ito ay may QR code na naglalaman ng personal information ng isang cardholder kagaya ng pangalan, address, dependents ng card at iba. Ito ay madaling ma-check ng mga accredited hospitals at maging ng mismong cardholders gamit ang cellphones.

Ito ay bahagi pa rin ng pagpapa-unlad ng serbisyo ng EBD Health Card Program at mapaalwan ang proseso ng paggamit ng card para sa mga cardholders.

Ayon kay City Health Officer Rosanna Barrion, wala ng expiry ang EBD Health card, matitigil lamang ang gamit ng card kung ito ay ibabalik ng isang cardholder dahil naging maganda ang estado ng kanilang buhay tulad halimbawa kung nakapag abroad ang cardholder o ang miyembro ng pamilya at nagkaroon ng magandang kita.
Muling ipinaalala ni Barrion ang ilang alintuntunin sa mas pinalawak na programa ng EBD Health Card na sinimulang ipinatupad noong 2017.

Ang mga pagpapa check up ng emergency cases lamang tulad ng asthma, high blood at iba pang karamdamang nangangailangan ng agarang lunas ang covered ng card. “Kung hindi naman po emergency cases ay maari po kayong magpa konsulta sa mga doktor sa City Health Office (CHO), libre po ang check-up dito,” dagdag pa ni Barrion.

Sasagutin din ng programa ang gastos sa CT Scan, 2D Echo, ECG, MRI o anumang procedure na kailangang gawin bago i-confine ang pasyente, kailangan lamang na kumuha muna ng referral o approval sa CHO.
Ibinilin rin ni Dr. Barrion na palaging dalhin ang EBD Health card ID tuwing magpapa-konsulta o magpapa-confine sa ospital.

Hiniling naman ni Mayor Beverley Dimacuha na ipagbigay alam sa kanila kung may mga puna o hinaing kaugnay ng serbisyo upang ito ay masolusyunan. “Gusto rin po namin marinig ang inyong mga negatibong komento para po matugunan natin kaagad. Pinagaganda po natin ang serbisyo ng programang ito, para po sa inyo, mabuti pong tulungan tayo,” sabi ng Mayor.

Sinabi naman ni Cong. Marvey Mariño na nais nila ni Mayor na magdagdag pa ng accredited hospital o clinic para sa dialysis procedure para matugunan ang pangangailangan ng pasyente. Ipinaalam rin ni Cong. Mariño ang ilan ding health programs ng kanyang tanggapan na maari ring makatulong sa mga pasyente. “Bilang Congressman, ako po ay may laang pondo sa ilang publikong ospital kagaya po ng Batangas Medical Center (BatMC) magpunta lamang po kayo sa aking opisina para kayo ay matulungan sa hospital bill.”

Ayon pa rin kay Cong. Mariño, bilang Co- Chairman ng Committee on Health sa kongreso ay kasama siya sa mga nagbalangkas ng Universal Health Care Law na magpapalawig ng mga health benefits and services para sa mga mamamayang Pilipino.

Tinanggap ng mahigit sa 800 cardholders mula sa mga barangay sa Poblacion ang kanilang bagong ID card sa distribution nito noong February 26 sa Batangas City Convention Center. Ito ay pinamahalaan ng EBD Health Card Program staff ng City Health Office.

Kasama nina Mayor Dimacuha at Cong. Mariño ang team EBD na dumalo dito. (PIO Batangas City)