Labanan ang bullying panawagan ni Mayor Dimacuha sa mga boy scouts

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 18.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Nanawagan si Mayor Beverley Rose Dimacuha sa Boy Scouts of the Philippines (BSP) Batangas City Council na magkaroon ng malakas na kampanya laban sa bullying na isa sa mga problemang nakakaapekto sa maraming kabataan ngayon.

“We should stop bullying,” binigyang diin niya sa mga boy scouts.

Sa kanyang mensahe sa 14th Batangas City Councilwide Jamborette and 44th Founding Anniversary, February 21-23, sa El Sitio Filipino, Dumuclay, sinabi ni City Mayor at Council Chairman Dimacuha na naniniwala siya na ang kabataan ang pag-asa ng bayan kung kayat ang scouting ay isang magandang training ground upang mahubog ng tama ang isang bata at maging isang responsable at disiplinadong mamamayan at lider ngt bansa. Binanggit niya ang mga values na natututunan sa scouting kagaya ng pagiging handa sa pang-araw araw na buhay, pagiging masipag, matiyaga, self-reliant, self confident at pagkakaroon ng magandang pakikipagkapwa,

“Kapag narinig ang salitang boy scout, ang mga ito ay laging handang tumulong at magmalasakit sa kapwa,” dagdag pa niya.

Bilang ibayong suporta niya sa scouting, sinabi niya na balak niyang magpagawa ng campsite para sa mga boy scouts sa lungsod.

Pinayuhan naman ni Congressman at Council Consultant Marvey Mariño ang mga magulang na pasalihin ang kanilang mga anak sa scouting sapagkat maraming kabutihang maidudulot ito sa isang bata. Nagpahayag din siya ng pagsuporta sa plano ni Mayor na magpagawa ng campsite.

Humigit kumulang na 2,000 boy scouts mula sa mga public at private schools ang lumahok sa jamborette kung saan ginawaran ng council ng awards ang ilang mga kalahok na paaralan sa unang pagkakataon.

Tinanghal na Best Outfit Scouting Unit ang Scuola Maria na makakasama sa study tour ng council sa Philippine National Police Academy (PNPA). Sila din ang top performer sa arrival honors at sa written exam.

Nanalo ng ikalawang pwesto ang TISISI Integrated School na top performer din sa bandaging skills, 3rd naman ang Casa Del Bambino Emmanuel Montessori (CBEM) na top performer sa membership habang 4th ang Paharang Integrated School na top performer sa rank inspection at knot tying skills.

May siyam na paaralan mula sa 25 high schools sa lungsod ang lumahok sa naturang patimpalak kung saan ang mga winners ay tumanggap ng cash prize na mula 5,000 – P15,000 at trophies.

Kabilang sa tatlong araw na gawain ay ang emergency preparedness, basic skills, water challenge, obstacle course, shirt printing, poster making contest, quiz bee, OPM singing contest at grand campfire.

Dumalo sa okasyon sina Mr. Nestor Alon bilang kinatawan ni City Schools Supt. at Council Scout Commissioner Donato Bueno at iba pang Dep Ed Officials at si Council Scout Executive Guilbert Alea.