Estudyante ng Scuola Maria, nasungkit ang Best Scout Senior Crew Leader

  1.jpg


BATANGAS CITY—“For God and for the better” ang panuntunan ng nahirang na Best Scout Senior Crew Leader sa 14th Batangas City Councilwide Jamborette at 44th Founding Anniversary na naganap sa El Sitio Filipino sa barangay Dumuclay, February 21.

Siya ay ang 16 na taong gulang na si Vincent Paulo B. Macuha, Grade 10 student ng Scuola Maria. Kinilala siya sa kanyang leadership quality at mga natatanging nagawa sa scouting movement.

Si Macuha ay nakatanggap ng scholarship at makakasama sa Philippine National Police Academy visit. Aniya, “worth it” lahat ng pagod niya at ng mga kasama niyang boy scouts.

Elementary pa lamang ay boy scout na si Macuha, ngunit mas naging aktibo raw siya nang tumungtong siya ng Grade 8. Kwento niya, naging eagle scout din siya pagkatapos niyang makamit lahat ng merit badges na kinakailangan para maabot niya ang ranggong ito. Naging tuloy-tuloy na ang kanyang pagiging magandang ehemplo sa kapwa niyang mag-aaral.

Nang tanungin kung ano ang natutunan niya sa scouting, ang pagiging “tunay na disiplinado” ang kanyang sinagot. Lagi ring nasa puso at isipan niya ang sinasabing ang boy scout ay laging handa.

Inaasahan niya na ang Jamborette ngayong taon ay maging isang “stepping stone” ng mga nagsisimula pa lamang at nag-aasam na maging magaling na scout. Mahalaga ang Jamborette para sa kaniya dahil dito masusukat ang galing ng mga scouts. (Danica Muñoz, OJT/PIO Batangas)