Bagong ordinansa pinaparelocate ang mga poste sa kalsada

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Pagkatapos ng road widening na isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Batangas City, nananatiling hadlang sa magandang daloy ng trapiko ang mga poste na hindi pa inaalis ng mga public utilities sa mga kalsada kung saan ito ay pwedeng maging dahilan din ng aksidente kaya naman isang ordinansa ang ipinasa ng Sangguniang Panglunsod upang maaksyonan ang problemang ito.

Sa regular session ng konseho noong February 18, ipinasa nila ang ordinansang “An Act Requiring Electric Power Distributors, Telecommunication Companies, Cable Television Service Providers and Other Similar Utility Companies to Relocate Service Poles From Inside Portions of Highways, National Roads, and Major Thoroughfares to the Outermost Side of the Road Right-of-Way”.

Ayon sa may akda ng ordinansa na si Konsehal Gerry Dela Roca, maraming reklamo ang nakarating sa sanggunian at ito ang nagbunsod sa kaniya upang balangkasin ang nasabing ordinansa.

“Kung mapapansin po natin, napakadami ng road widening projects ng DPWH subalit itong mga posteng ito ay hindi nagagalaw. Napaka-delikado po nito sa mga motorista. Bukod po dito, defeated ang purpose ng road widening sapagkat hindi naman nagagamit ang portion ng karsada dahil nga sa mga poste na halos nasa gitna na ng karsada. Sayang po ang budget,” sabi ni Dela Roca.

“Kaya nag-akda po tayo ng ordinansa na mag-o-obliga sa mga kumpanyang ito na ilipat ang mga poste sa mga lugar na hindi makakaabala sa mga motorista. Kung hindi po sila susunod ay may nakalaan pong penalty na kailangan nilang tugunan everytime na hindi sila tatalima sa batas na ipinasa natin,” dagdag pa niya.

Isang Technical Working Group ang binuo noon pang mga committee hearings upang tumulong sa pagpapatupad ng ordinansa. Kabilang dito ang chairman ng SP Committee on Engineering and Public Works, City Engineer’s Office (CEO), City ENRO, Association of Barangay Captains, District Engineer at mga kinatawan ng mga utility companies. Sa loob ng 30 araw mula sa effectivity ng ordinansa, ang grupo ang magsusumite sa Mayor ng plano kung saan identified ang mga apektadong kalsada at ang relocation project na gagawin base sa priority.

Ang relocation project ay dapat matapos sa loob ng walong buwan, kasama na rito ang panahon ng preparation ng design, costing at pagkuha ng mga kailangang permit.

Walang gastos ang mga consumers at ang city government sa gagawing pole relocation ng mga utilities. Kailangan ding ipaalam ng mga utilities sa kanilang mga consumers ang gagawin nilang pole relocation at gumawa ng paraan upang huwang ma inconvenience o maapektuhan ang serbisyo sa mga ito.

Kung magkaroon ng damage sa mga government o private properties sa isinagawang relocation, ito ay irerepair ng utility at ibabalik sa dating kondisyon kung saan ang gastos ay sa utility subject sa specification at approval ng DPWH at CEO.

Binigyang linaw din ni Dela Roca na sisiguruhin niya na lahat ng magagastos para sa relokasyon ay ang mga kumpanya ang gagastos at hindi maipapasa sa mga consumers.

“Alam naman natin na ang malalaking kumpanyang ito ang kumikita sa mga business na ito. Kaya sana naman maging responsable sila lalo na’t kung ang safety ng mga mamamayan ang pinag-uusapan,” sabi niya.

Bibigyan ng warning at order ng Mayor o kanyang awtorisadong kinatawan ng 30 araw ang mga violators upang makatupad sa ordinansa mula sa petsang matanggap ang warning at order. Kung hindi makatupad sa takdang panahon, papatawan sila ng multang P5,000 kada araw ng paglabag sa ordinansa.